Poster courtesy of Click the City © GMA Pictures |
★★★★★★★★ ☆☆
Starring: Michael V., Dawn Zulueta, Miguel Tanfelix, Bianca Umali
Genre: Comedy, Drama
Runtime: 2 hours, 10 minutes
Director: Michael V.
Writer: Michael V.
Production: GMA Pictures, Mic Test Entertainment
Country: Philippines
Kung si Alex (Miachel V.) ang tatanungin ay masaya na siya sa estado ngayon ng kaniyang buhay. Mayroon siyang maayos na trabaho at masayang pamilya, kaya naman hindi na nakapagtataka kung bakit positibo ang buong pagkatao ng naturang haligi ng tahanan.
Subalit unti-unting magbabago ang sayang ito ni Alex nang isang mabigat na balita ang maririnig niya tungkol sa kaniyang asawa. Matagal na palang may iniindang sakit si May (Dawn Zulueta) at napatunayan ito nang ma-diagnose siya na mayroong tumor sa kidney na sa kasamaang palad ay nasa stage 4 na at kalat na sa kaniyang baga.
Gayunpaman, pursigido si Alex na labanan ang sakit at hindi ito naging dahilan upang magbago ang pananaw nito sa buhay... hanggang sa isang rebelasyon pa mula kay May ang kaniyang mapag-aalaman na siyang sisira sa buhay ni Alex at ng kanilang pamilya.
Mapapansin sa pelikula ang pagiging baguhan ni Michael V. bilang direktor dahil sa paiba-iba nitong atake sa lighting at ang inconsistent na color scheme na hindi naman big deal para sa akin. Ang naging problema lang ay malilito ka kung ang pinapanood mong eksena ay nasa kasalukuyan ba, nakaraan o imahinasyon lamang. Hindi rin ako napahanga sa zoom-in at panning techniques sa pelikula. Medyo awkward tignan ang masyadong malapit na mukha sa kamera.
Maliban dito, sa simula ay tila ba nangapa pa si Michael V. sa kung papaano nito pagsasamahin ang drama at comedy dahil sa simula ng palabas ay medyo off pa ang pagpapatawa nito at pagpapa-iyak. Maya't-maya ang bira ng jokes na nakapag-paalala sa akin sa Pepito Manaloto. Gayunpaman, sa pagpapatuloy ng kuwento ay unti-unti ring naging compatible ang comedy at drama na dala ng istorya. Kung kailan papabagsak na ang luha mo ay bigla kang papatawanin. Para kang nanonood habang nakaupo sa isang roller coaster ride, paiba-iba ang lebel ng emosyon.
May ilang issue din ako sa continuity ng mga eksena. Medyo naging dragging sa gitna at nagmadali ng konti sa dulo. Hindi ko rin nadama ang koneksyon ng subplot nila Malix (Miguel Tanfelix) at Jenna (Bianca Umali) sa main plot ng pelikula. Para bang wala naman itong naitulong sa development ng istorya nila Alex at May na kung tatanggalin ay ganoon pa rin ang epekto.
Mabuti na lang, lahat ng mga aktor na kasama sa Family History ay magagaling. Nabigyan nila ng hustisya ang bawat karakter na binigyan nila ng buhay. Sasamahan ka ni Zulueta sa isang matinding bangin ng kalungkutan sa simula ng istorya at hihilahin ka naman ni Michael V. sa mga mas malungkot pa na parte nito. Mas lalo akong humanga kay Michael V. sa kaniyang pagiging versatile na aktor. Kaya ka niyang patawanin at sa parehong pagkakataon ay kaya ka niyang pahagulugulin.
Kakaiba ang istoryang ipinamahagi ng Family History. Susubukin nito ang kaalaman mo sa kung ano ba ang tama at mali. Sa punto ng kung saan buhay na ang nakataya, mapapatanong ka kung ano ba ang tamang gawin. Kaya mo bang tumanggap ng katotohanan at magpatawad kahit na may 46 times na naganap?
No comments:
Post a Comment