Search a Movie

Saturday, August 26, 2017

Kita Kita (2017)

Poster courtesy of Pelikula Mania
© Spring Films
7 stars of 10
★★★★★★★ ☆☆☆

Starring: Alessandra de Rossi, Empoy
Genre: Romance
Runtime: 1 hour, 24 minutes

Director: Sigrid Andrea Bernardo
Writer: Sigrid Andrea Bernardo
Production: Spring Films
Country: Philippines


Isang tourist guide si Lea (Alessandra de Rossi) sa Sapporo, Japan na nakatakda na sanang magpakasal sa kaniyang Japanese fiancé kung hindi lang niya ito nahuling may ibang babae. Dahil sa galit at stress na naramdaman ay unti-unting nawalan ng paningin si Lea. 

Habang sinasanay ang sarili sa buhay ng pagkakaroon ng panandaliang pagkabulag ay makikilala ni Lea ang kapit-bahay nitong si Tonyo (Empoy), isang Pinoy na hindi man nabiyayaan ng angking gandang lalaki ay mayroon naman itong mabait na kalooban at nakakatuwang ugali. Si Tonyo ang mag-aalaga sa dalaga samantalang si Lea naman ang magbibigay kulay sa tahimik na buhay ng binata. Hanggang sa sila'y maging magkaibigan at 'di naglaon ay magkakaroon ng magandang ugnayan.

Ibang klase ng storytelling ang ginawa ni Sigrid Andrea Bernardo sa kaniyang romantic-comedy film na hindi natin tipikal na makikita sa normal na Pinoy rom-coms. Nagkaroon ito ng dalawang bersiyon ng kuwento sa kaniya-kaniyang point of view ng dalawang bida. Ito na rin ang nagsilbing twist ng palabas na siyang mas nagbigay ganda sa naturang pelikula.

Ang nagustuhan ko sa Kita Kita ay ang istorya nito ang magdadala sa pelikula at hindi ang pangalan ng mga bida. At kahit hindi tipikal na pairing ang isang de Rossi at Empoy ay nagkaroon parin sila ng magandang screen chemistry. Sa pag-usad ng kuwento ng palabas ay madali na lang ma-predict ang mga susunod na pangyayari dahil sa mga obvious na foreshadowing, gayunpaman, ma-spoil ka man sa Facebook o ma-predict mo man ang mga magaganap ay magugulat at magugulat ka parin sa kalalabasan nito. 

Mapapamahal ka sa karakter nila Tonyo at Lea kaya naman mas damang-dama mo ang kirot at sakit na mararamdaman ng dalawa sa kani-kanilang situwasyon sa tulong na rin ng galing sa pag-arte nila de Rossi at Empoy. 

Masasabi kong deserve naman ng Kita Kita ang hype na natanggap nito sa social media dahil may dala itong maayos na kuwento at may inihandang kakaiba para sa takilya. Gayunpaman ay kinapos ito sa ekspektasyon na inaasahan ko. Lumaylay kasi ang kuwento nito pagdating sa parte ni Empoy. Pagkatapos ilabas ang twist ay unti-unting bumaba ang kilig na dulot nito at gayon din ang gulat factor na naramdaman mo sa pelikula.


No comments:

Post a Comment