Search a Movie

Monday, April 23, 2018

Coco (2017)

Poster courtesy of IMP Awards
© Walt Disney Pictures
9 stars of 10
★★★★★★★★★ ☆

Starring: Anthony Gonzalez, Gael García Bernal, Benjamin Bratt
Genre: Animation, Adventure, Comedy, Family, Fantasy, Music
Runtime: 1 hour, 45 minutes

Director: Lee Unkrich
Writer: Adrian Molina, Matthew Aldrich, Lee Unkrich (story), Jason Katz (story)
Production: Walt Disney Pictures, Pixar Animation Studios
Country: USA


Nagmula sa angkan ng mga musikero ang pamilya ng batang si Miguel Rivera (Anthony Gonzalez). Ngunit ito rin ang naging rason ng pagkasira ng kanilang pamilya kung kaya't simula noon ay tuluyan na nilang kinalimutan ang musika. Subalit para kay Miguel, hindi ito naging dahilan upang talikuran nito ang pangarap niyang tumugtog katulad ng idolo niyang si Ernesto dela Cruz (Benjamin Bratt).

Ngunit sa pambihirang pagkakataon, nang tangkaing kunin ni Miguel ang gitara ni Ernesto sa puntod nito upang hiramin para sa sasalihan niyang patimpalak ay bigla siyang naging espiritu. Dito niya makikilala ang mga yumao na niyang angkan. Upang makabalik sa mundo ng mga buhay ay kinakailangan ni Miguel na makakuha ng basbas mula sa yumao nitong kapamilya. Madali lang sana itong gawin ngunit ang kaniyang Mama Imelda (Alanna Ubach) ay nagbigay ng kundisyon na makakabalik lamang siya kapag tuluyan na niyang talikuran ang pagkahumaling sa musika.

Hindi ito tinanggap ni Miguel bagkus ay sinubukan na lang nitong hanapin si Ernesto dela Cruz, na pinaghihinalaan niya na kaniyang lolo, upang hingin ang basbas nito.

May pagkakatulad ang Coco sa The Book of Life (2014) kung saan ginamit nito ang konsepto ng Day of the Dead ng Mexico. Ang pinagkaiba lang ng dalawa ay tungkol sa pamilya ang kuwento ng Coco. Maganda ang naging aesthetic ng palabas, makulay at masaya. Nakakatuwa itong panoorin sa kabila ng madilim nitong tema at ang ilan sa mga karakter ay kalansay. Visually ay maganda rin ang pagkakagawa sa mga karakter, nalalapit ito sa tunay na buhay at bawat detalye at features ay kuhang-kuha at katulad sa realidad.

Bukod sa nakakahangang animation ay ang kuwento nito ang mag-aangat sa palabas. Hindi mo maiiwasang maging sentimental dahil ang pelikula ay tungkol sa buhay at kamatayan. Tungkol ito sa mga namayapang kamag-anak. Ang nagustuhan ko rito ay sa kabila ng kanilang kamatayan ay mayroon parin silang sariling buhay sa kanilang mundo. At ang mga alaala natin sa kanila ang siyang nagbibigay lakas sa mga yumao. Ipinakita ng palabas ang isang makulay na kultura ng isang bansa. Ang pagkakaroon nito ng malawak na kuwento na kahit papaano'y nakapagbibigay ng peace of mind sa bawat manonood.

Plus points din ang nakakaaliw na soundtrack ng palabas. Masarap pakinggan at tiyak na hindi ka lang mapapa-indak kundi makakaramdam ka rin ng sari-saring emosyon dito tulad ng saya, lungkot at nostalgia.

Sa pangkalahatan ay isa na namang napakagandang animation ang inihandog ng Disney at Pixar para sa mga masugid nitong tagasubaybay. Isang pelikula na ang kuwento'y nagbibigay halaga sa buhay, pangarap, pamilya at sa mga maliliit na bagay. Maraming aral ang matututunan dito bukod doon ay sulit ang panonood dahil ipapasilip pa sa'yo ang isang napakasayang kultura.


3 comments: