Search a Movie

Sunday, April 15, 2018

Prayers for Bobby (2009)

Poster courtesy of Jesus is Savior
© Daniel Sladek Entertainment
7 stars of 10
★★★★★★★ ☆☆☆

Starring: Sigourney Weaver, Ryan Jonathan Kelley
Genre: Biography, Drama, TV Movie
Runtime: 1 hour, 30 minutes

Director: Russell Mulcahy
Writer: Katie Ford, Leroy F. Aarons (book)
Production: Daniel Sladek Entertainment, Once Upon a Time Films, Permut Presentations
Country: USA


Bilang isang Kristiyanong pamilya, hirap aminin ni Bobby Griffith (Ryan Jonathan Kelley) sa kaniyang mga magulang ang kaniyang pagiging bading. Dahil alam nitong hindi siya maiintindihan at matatanggap ng kaniyang pamilya lalo na ang kaniyang ina kapag inamin nito ang kaniyang itinatagong sikreto. Kaya naman mas pinili nitong magpakamatay na lang kaysa sabihin ang totoo, ngunit sa huli hindi niya ito nagawa. Nagsubok itong umamin sa kaniyang nakatatandang kapatid na si Ed (Austin Nichols) sa pangakong hindi nito ibubunyag ang sikreto sa kaniyang mga magulang. Dahil sa pag-aalala para sa kapakanan ng kapatid ay napilitang si Ed na ipaalam sa kanilang inang si Mary (Sigourney Weaver) ang problema ni Bobby at doon na nagsimulang magbago ang buhay nito.

Katulad ng inaasahan ay hindi natanggap ni Mary ang pagiging bading ng anak. Itinuring niya itong sakit na kailangang malunasan. Noong una'y sumunod si Bobby sa mga paraan ng kaniyang ina na maaaring makapagbago sa kaniyang nararamdaman ngunit hindi naglaon ay tinanggap na lang niya ito. Ito ang naging sanhi upang itakwil siya ng kaniyang ina.

Ipapasilip ng Prayers for Bobby ang isang realidad kung saan hindi parin tanggap ng nakakarami ang pagiging bading ng isang tao. Sa pamamagitan ng naturang pelikula ay bubuksan nito ang isipan ng bawat manonood sa kung ano ang kinakaharap ng mga homosexuals tuwing sila'y itinuturing na salot lalo na ng kanilang pamilya. Maraming mensahe ang matututunan sa palabas at isa na rito ang pagsisisi na laging nasa huli.

Bagamat nakay Bobby ang title role ay hindi sa kaniya ang pokus ng buong pelikula, bagkus ay ang hindi pagtanggap ng lipunan sa mga bading ang naging sentro nito. Hindi gaanong ipinakita sa pelikula kung ano ang paghihirap na natatanggap ng isang taong sa pagtatago sa kloseta ngunit naiparamdam naman nila ito sa pamamagitan ng karakter ni Kelley. Ang kuwento ay umikot sa karakter ni Weaver, sa kung papaanong ang isang ina na hindi tanggap ang pagiging bakla ng kaniyang anak ay unti-unting nabago ang pananaw nito kung kailan huli na ang lahat.

Madudurog ang puso mo sa palabas dahil sa bigat ng kuwento nito lalo na't base pa ito sa tunay na buhay. Si Weaver ang magdadala ng matinding emosyon sa pelikula dahil ipaparamdam nito ang matinding kirot na dulot ng pagsisisi.


1 comment:

  1. Kailangan matuto tayo tanggapin ang katulad ni bobby ng sa ganon ay magkaroon ang lahat ng kalayaan upang ipakita kung ano man ang kanilang tunay na kulay. Bigyan natin ng kalayaan ang katulad ni bobby na mamuhay na walang huhusga sa kung ano siya. Magsilbing inspirasyon ang pelikulang “Prayers for Bobby” para sa lahat na nawawalan na ng pag-asa at dumadating na sa punto na susuko na. Kailangan lang ng pagtanggap upang magkaroon tayo ng maayos at kalayaan.

    ReplyDelete