Search a Movie

Sunday, April 15, 2018

Pitch Perfect 3 (2017)

Poster courtesy of IMP Awards
© Universal Pictures
5 stars of 10
★★★★★ ☆☆☆☆☆

Starring: Anna Kendrick, Rebel Wilson, Brittany Snow
Genre: Comedy, Music
Runtime: 1 hour, 33 minutes

Director: Trish Sie
Writer: Kay Cannon, Mike White
Production: Gold Circle Films, Perfect World Pictures, Universal Pictures
Country: USA


Para sa mga Bellas, walang naidulot na maganda para sa kanilang buhay ang pagkapanalo nila sa World Championships. Dahil pagkatapos nilang magtapos sa kolehiyo at magkaroon ng kaniya-kaniyang direksyon sa buhay ay nanumbalik ang kanilang estado sa pagiging talunan.

Kaya naman nang magkaroon ng oportunidad na muling magsama-sama ang grupo para sa huling pagkakataon ay sumali sila sa isang overseas competition para sa USO tour. Ang problema ay hindi tulad ng kanilang nakasanayan ang mga grupong makakalaban nila dahil ang ilan sa kanila ay may gamit na instrumento. Dito nila mapagtatanto na hindi lang sa a cappella umiikot ang mundo.

Mula sa Pitch Perfect 1 hanggang sa ikatlo nitong installment ay parang shooting star na bumulusok pababa ang quality na dala nito. Ang Pitch Perfect 3 ay pinaghalong 1 at 2 na sinangkapan ng kakaibang ending. At dahil recycled ang plot nito sa mga naunang installment ng palabas ay hindi na kaabang-abang ang mga pangyayari. 

Binigyan ng background story si Fat Amy (Rebel Wilson) ngunit ang kuwentong ibinigay sa kaniya ay hindi nito nakuha ang interes ko. Halos siya ang bumida sa palabas ngunit nakakawalang-gana ang naging istorya nito. Bukod doon ay dumamay pa ang pagiging corny nito na naubusan na yata ng maayos na jokes. Hindi pa kasama doon ang pangit nitong pag-arte na hindi mo alam kung seryoso o magbibitaw ba siya ng punchline. 

Sinubukan naman nilang bigyang kulay ang ibang karakter sa pamamagitan ng pagbibigay ng love team kina Beca (Anna Kendrick) at Chloe (Brittany Snow) ngunit nagmukha lang itong rush para may masabing may sariling subplot ang dalawang bida nito. Ni walang character development na nangyari sa kanila.

Sa kabilang banda, kahit patapon ang naging kuwento ng palabas ay may maayos naman itong tugtog na kahit madaling makalimutan ang ilan ay mai-enjoy mo ito habang pinapanood ang palabas. Saving grace dito ang mga one-liners ni Flo (Chrissie Fit) kaya kahit papaano ay nabawasan ang inis mo na hindi isinama si Stacie (Alexis Knapp) sa ikatlong laban ng mga Bellas. 

Nakakadismaya lang ang kinauwian ng Pitch Perfect 3 mula sa isang promising na simula. Gayunpaman ay makakaramdam ka parin ng bittersweet na ending dahil kahit papaano ay napamahal ka na sa mga karakter ng naturang palabas.


No comments:

Post a Comment