Search a Movie

Friday, August 25, 2017

3 Idiots (2009)

Poster courtesy of IMDb
© Vinod Chopra Productions
9 stars of 10
★★★★★★★★★ ☆

Starring: Aamir Khan, R. Madhavan, Sharman Joshi
Genre: Adventure, Comedy, Drama
Runtime: 2 hours, 50 minutes

Director: Rajkumar Hirani
Writer: Abhijat Joshi, Rajkumar Hirani, Vidhu Vinod Chopra
Production: Vinod Chopra Productions
Country: India


Ranchoddas Shamaldas Chanchad (Aamir Khan) o kilala bilang simpleng Rancho, matalino, mabait at may kakaibang pananaw sa buhay. Ito ang nagustuhan nila Farhan Qureshi (R.Madhavan) at Raju Rastogi (Sharman Joshi) sa kaniya nang una nila itong makilala bilang kanilang roommate sa Imperial College of Engineering sa India.

Hindi nagtagal, naging matalik na magkakaibigan ang tatlo. Ilang taon ang lumipas simula nang magtapos sila sa pag-aaral, mula sa isang dare na nangyari sampung taon na ang nakakalipas ay susubukan ngayong hanapin nila Farhan at Raju ang kaibigang parang bulang nawala simula nang matanggap nito ang inaasam na diploma.

Ang 3 Idiots na siguro ang pelikulang ipaparamdam sa iyo ang lahat ng emosyon mayroon ang isang tao. Mula sa tuwa't saya, lungkot, takot, kilig, kaba at maging ang nostalgia ay madadama mo sa halos tatlong oras na palabas. Parang isang roller coaster ride ika nga nila na punong-puno ng mga maaaksyong kaganapan na bibihag sa bawat nanonood nito.

Tagos sa puso ang mga aral na mapupulot sa palabas na ikaka-relate ng sinumang pumasok at tumapak na sa isang paaralan. Mula sa pagkakaroon ng istriktong propesor, mula sa makukulit na kaklase, hanggang sa pagkakabuo ng matalik na pagkakaibigan ay ipapakita ng pelikula kung gaano kahirap ang buhay ng isang Engineering student sa India. Kung paano nila sakalin ang bawat estudyante sa sarili nitong sistema.

Magaling ang buong cast na nagbigay buhay sa mga character na kagigiliwan ng lahat. Napakaganda ng pagkakasulat sa bawat bida na talagang binigyan ng kaniya-kaniyang shining moment upang mas lalong madama ang kuwento at lalo silang mahalin ng manonood. Bukod sa nakakagiliw na mga karakter at napakagandang istorya ay mapapa-indak ka rin sa mga kanta at musikang ginamit sa palabas na bawat tugtog ay may kaniya-kaniya ring emosyong ipini-prisinta.

Mahaba man ang palabas, ngunit hindi nito sasayangin ang oras mo dahil sa napakaganda nitong kuwento. Ito yung tipo ng palabas na hindi mo mapapansin ang takbo ng oras dahil tutok na tutok ka sa mga kaganapan at hindi mo aakalaing tatlong oras na pala ang iginugol mo sa pagsubaybay sa buhay nila Rancho, Farhan at Raju. Madali lang makuha ng palabas ang atensyon ng manonood dahil mai-enjoy mo ang istorya ng mga bawat bida at kasabay nito ay may element of mystery parin itong dala na kailangan mong abangan hanggang sa dulo. 

Kung gusto mong pasukin ang mundo ng Bollywood films, 3 Idiots ang una kong irerekomenda dahil punong-puno ito ng sangkap ng tiyak magbibigay lasa at saya sa inyong panonood.


No comments:

Post a Comment