Search a Movie

Thursday, July 18, 2019

Transformers: Revenge of the Fallen (2009)

Poster courtesy of IMP Awards
© Paramount Pictures
6 stars of 10
★★★★★★ ☆☆☆☆

Starring: Shia LaBeouf, Megan Fox, Josh Duhamel
Genre: Action, Adventure, Sci-Fi
Runtime: 2 hours, 30 minutes

Director: Michael Bay
Writer: Ehren Kruger, Roberto Orci, Alex Kurtzman
Production: DreamWorks, Paramount Pictures, Hasbro
Country: USA


Matapos ang mga naganap na bakbakan sa naunang pelikula ay susubukang bumalik ni Sam Witwicky (Shia LaBeouf) sa kaniyang normal na buhay bilang isang bagong kolehiyo sa ngayo'y tahimik at mapayapa na nilang lugar. Subalit muling mabubulabog ang buhay nito nang magsimula siyang makakita ng mga sinauna at hindi maipaliwanag na mga letra sa kaniyang isipan.

Ang bagong taglay na katangiang ito ni Sam ang magiging dahilan kung bakit, sa ikalawang pagkakataon, ay magkaka-interes muli sa kaniya ang mga Decepticons. Dahil ang mga naturang alpabeto na ito ang magiging daan upang mahanap ang Matrix, ang tanging bagay na makapagbibigay buhay sa Sun Harvester na makakatulong sa mga Decepticons upang sakupin ang mundo.

Hindi ko alam kung ako lang ba ang nainis sa mga magulang ni Sam. Alam kong ginawa ito upang magbigay ng mga nakakatawang eksena pero para sa aking panlasa ay walang nakakatawa sa mga pinaggagawa nila. Bukod sa wala silang naitulong sa pag-usad ng istorya ay nakakairita lang ang naging parte nila. 

Gayunpaman, na-enjoy ko pa rin ang panonood ng pelikula dahil sa magandang visuals. Napaka-satisfying panooring ang transformations ng mga Autobots at Decepticons mula sa isang simpleng sasakyan hanggang sa maging astig na robot. Magandang halimbawa ang pelikulang ito upang maka-akit ng mga kalalakihang manonood dahil kumpleto ito ng rekadong kanilang kagigiliwan tulad ng sasakyan, robot, bakbakan at magandang leading lady.

Masayang panoorin ang naging adventure ng grupo ni Sam para mahanap ang Matrix. Nagustuhan ko ang iba't-ibang personalidad ng kanilang grupo, may dalagang palaban, bidang puno ng pag-asa, sidekick na matatakutin at mga alipores para sa pagpapatawa. Hindi katulad nila Mr. at Mrs. Witwicky ay napatawa ako ng kambal na Autobots, riot ang batuhan nila ng linya. Hindi cringey at lalong hindi nakaka-irita.

Overall, nakapagbigay naman ng maayos na entertainment ang sequel ng Transformers. Maaksyon pa rin, astig, masayang panoorin at hindi pa rin marunong umarte si Megan Fox. May ilang issues lang ako sa mga karakter na lumalaban sa mga robot na halatang hindi naman kaya pero sige pa rin para magkaroon ng dramatic element ang palabas. Pero nakabawi naman sila ngayon dahil hindi na nila ginawa ang labanan sa mataong lugar katulad ng naunang pelikula.


No comments:

Post a Comment