★★★★★★★★★★
Starring: Kathryn Bernardo, Alden Richards
Genre: Drama, Romance
Runtime: 1 hour, 58 minutes
Director: Cathy Garcia-Molina
Writer: Carmi G. Raymundo, Rona Co, Cathy Garcia-Molina
Production: Star Cinema
Country: Philippines
Isang domestic helper sa Hong Kong si Joy Marie Fabregas (Kathryn Bernardo) na nakatakda nang lumipad patungong Canada sa paniniwalang mas mai-aahon niya mula sa hirap ang kaniyang pamilya kapag doon siya nagtrabaho. Ang problema ay may kabuuang halaga ng pera siya na kailangang maabot upang matuloy na ang kaniyang pag-alis. Kaya naman todo kayod ngayon si Joy para makuha ang sapat na pera na kaniyang kinakailangan.
Sa kabilang banda, si Ethan del Rosario (Alden Richards) ay isang playboy bartender na ilang taon na lang ay magiging residente na ng Hong Kong. Plano na niyang manatili sa naturang bansa at buuin ang kaniyang sarili nang sa gayon ay makabawi naman siya sa kaniyang pamilya mula sa pag-iwan niya sa kanila nang minsan siyang mabulag sa pag-ibig.
Magkakadaupang-palad ang landas nila Joy at Ethan at makabubuo ng isang magandang relasyon. Pero papaano nila ipaglalaban ang kanilang pag-ibig kung ang isa ay nais nang umalis samantalang ang isa naman ay kailangang manaitili?
First time kong magbigay ng 10 stars sa mga pelikulang napanood ko at hindi ko inaasahang ibibigay ko ito sa isang pelikulang Pinoy. Natumbok ng Hello, Love, Goodbye ang mga bagay na gusto kong mapanood sa isang pelikula. Magandang istorya, magagaling na bida, malalim na mga karakter, maayos na conflict, soundtrack na bumagay sa pelikula, directing at cinematography na pasado na para sa aking standards.
Isasalamin ng pelikula ang mga karaniwang problema na pumapalibot sa pag-iibigan ng dalawang nillang; ang pagkakaiba ng mga hangarin ng bawat isa. Simple lang ang kuwento pero pinalalim ito ng mga karakter nila Joy at Ethan. Maliban dito ay bibigyan din nila ng representasyon ang mga Overseas Filipino Workers at ipapakita kung papaano ang hirap at buhay ng Pilipinong naninirahan sa isang banyagang bansa.
Sa simula pa lang ay gagamitin na si Joy upang kunin ang atensyon ng manonood. Mapupunta agad sa kaniya ang simpatya ng viewers dahil sa determinado nitong personalidad sa kabila ng mabibigat na suliranin na kaniyang dinaranas. Darating naman si Ethan upang magbigay ng ibang timpla sa pelikula. Siya ang ginawang pambalanse sa madramang tono ng palabas. Kapag isinasama siya kay Joy ay nagiging light ang mga tagpo, nababawasan ang bigat sa dibdib. Ang contrast na ito sa pagitan ng dalawa ay unti-unting babaliktad sa pag-usad ng kuwento, isang magandang halimbawa ng maayos na character development.
Dahil dito ay nabuo ang magandang chemistry nila Joy at Ethan. Ang nagustuhan ko pa sa dalawa ay sila mismo ang bumuo ng kanilang love story, sila ang gumawa ng spark sa pagitan nilang dalawa. Hindi iyong mga tipikal na love stories na meet-cute o love at first sight o ano pang cheesy romantic tropes.
Magaling din ang supporting cast. Nagawa nila ng maayos ang trabaho nila na suportahan ang mga bida at huwag silang i-overshadow. Bumagay din ang soundtrack ng pelikula na nagdagdag ng emosyon sa bawat eksena, pakilig man 'yan o madrama. Napakagaling ng mga linyahan at ibinigkas ito ng mga bida sa kanilang kahanga-hangang pagsasabuhay. Higit sa lahat, ang nakapagbigay ng totoong feels sa palabas ay ang naging conflict ng istorya. Darating sa punto na mapapaisip ka rin kung ano ang magiging desisyon mo kapag ikaw ang nasa katayuan ng mga karakter. Hindi rin nagpahuli ang naging ending nito na ginawang makatotohanan.
Marami ang natalakay dito pagdating sa buhay at pagmamahal. Mararamdaman mo sa palabas kung papaano ang umibig, mangarap, magbago, magpatawad, at maiwan. Ibang-iba ang naging takbo ng Hello, Love, Goodbye kumpara sa mga katulad nitong mainstream romance movies. Wala itong unnecessary humor para lang makuha ang kiliti ng manonood. Matatag ang bidang babae at hindi kinailangan ang tulong ng isang lalaki para makamit ang kaniyang layunin. Pahahalagahan din nila ang pagbibigay ng oras at pagmamahal sa sarili.
Wala akong ibang maipuna sa palabas dahil sa tingin ko'y perpekto na ang pagkakabuo nito.
Poster courtesy of IMDb.
No comments:
Post a Comment