★★★★★★★★ ☆☆
Starring: Ben Affleck
Genre: Drama, Sports
Runtime: 1 hour, 48 minutes
Director: Gavin O'Connor
Writer: Brad Ingelsby
Production: Warner Bros., BRON Studios, Jennifer Todd Pictures
Country: USA
Malayo sa pamilya, mapag-isa, at nakasalalay na lang sa alak ang araw-araw na buhay ni Jack Cunningham (Ben Affleck), hanggang sa isang araw ay lapitan siya ng Catholic high school na Bishop Hayes upang tumayo bilang coach ng kanilang basketball team. Si Jack ang dating star player ng naturang paaralan noong siya'y nag-aaral pa kaya naman malaki ang tiwala nilang magagabayan nito ng maayos ang mga kasalukuyang manlalaro ng eskuwelahan.
Noong una'y nanibago ang Bishop Hayes team sa istrikto at agresibong pagtuturo ni Jack sa kanila subalit ito ang naging dahilan kung bakit sila umuusad palapit sa playoffs. Maganda ang naging panimula ni Jack bilang coach at naitulak nito ang kanilang team upang tumaas ang ranko, gayunpaman ay haharap si Jack sa isang dilema nang biglang ma-kuwestiyon ang pagiging lasenggo nito.
Pagdating sa mga sports movies ay iisa lang minsan ang mga tema nito - tungkol sa passion at pag-abot sa pangarap ng karakter. Ito rin ang naging tema ng The Way Back kung saan muling binalikan ng bida ang dating larangan na kaniyang minahal, ang paglalaro ng basketball.
Maganda ang naging istorya nito, straight to the point at makatotohanan. Patutunayan ng palabas kung papaanong hindi nakakatulong ang pagtulak natin palayo sa pamilya, kaibigan at mga taong nais tayong tulungang umakyat mula sa butas na ating kinasadlakan. Ang pagmo-move on ay hindi lang nangyayari overnight bagkus ay isa itong mahabang pakikipagsapalaran sa gabay ng pamilya at propesyunal na tulong. Ang pagtanggap sa nakaraan ang unang hakbang, na sasabayan ng pagbabalik sa mga bagay na minsa'y nagbigay ng saya sa atin.
Depressing na ang istorya at mas pinalungkot pa ito ng musical scoring na para sa akin ay masyado nang dramatic pero talagang makapagbibigay naman ng feels. Ipinakita ni Affleck sa palabas na ito ang kaniyang galing sa pag-arte. Wala siyang masyadong dialogue, wala masyadong breakdown pero dama mo ang emosyon sa pamamagitan lang ng pagbasa sa kaniyang facial expressions.
Kahit kathang-isip lang ang istorya ay mapapa-abang ka rin sa bawat laban ni Jack hindi lang sa kaniyang sarili kundi maging sa loob ng basketball court. Madrama, exciting at higit sa lahat ay inspiring.
Poster courtesy of IMP Awards.
No comments:
Post a Comment