Search a Movie

Thursday, February 4, 2021

Soul (2020)

9 stars of 10
★★★★★★★★★ ☆

Starring: Jamie Foxx, Tina Fey
Genre: Animation, Adventure, Comedy, Fantasy, Music
Runtime: 1 hour, 40 minutes

Director: Pete Docter
Writer: Pete Docter, Mike Jones, Kemp Powers
Production: Walt Disney Pictures, Pixar Animation Studios
Country: USA


Isang middle school music teacher si Joe Gardner (Jamie Foxx) na ang pangarap sa buhay ay magkaroon ng karera sa larangan ng jazz. Dumating ang araw kung saan ay abot-kamay na ni Joe ang pinakamimithing pangarap. Napili siya na tumayo bilang piyanista sa performance ng jazz legend na si Dorothea Williams (Angela Bassett) subalit nang araw na iyon ay nahulog siya sa isang manhole.

Magkakamalay si Joe sa lugar na tinatawag na "Great Beyond" kung saan patutungo ang mga kaluluwang papunta na sa langit. Hindi tanggap ang pagkawala ay tatakasan ni Joe ang Great Beyond at mapupunta siya sa "Great Before," ang lugar kung saan naman binubuo ang personalidad ng mga kaluluwang isisilang pa lamang. Dito ay makikilala niya si 22 (Tina Fey) na matagal nang tambay sa naturang lugar. Taliwas sa ninanais ni Joe na makabalik sa mundo ay ayaw naman ni 22 na mapunta rito. Dito na magtutulungan ang dalawa upang makuha nila ang ninanais ng bawat isa, subalit sa kanilang pakikipagsapalaran sa kabilang buhay ay isang realisasyon ang mapagtatanto ng dalawa.

Kung inaasahan mong pambata lang ang Soul ay nagkakamali ka. Napakaraming realizations na mapupulot sa palabas na ito lalo na sa pagbibigay halaga sa mga maliliit na bagay sa ating buhay. Kung paano kadaling mawala sa atin ang iniingatang buhay kaya kailangan nating i-treasure ang bawat minuto nito na mayroong magandang hangarin. Depende sa kung saan ka makaka-relate at kung papaano ang pagkakaintindi mo sa kuwento nito ay iba't ibang asal ang mapupulot dito katulad na lang ng pagharap sa mga bagay na ating kinatatakutan, pagbibigay ng pagkakataong subukan ang mga iniiwasan, pag-abot sa mga pangarap na tingin nati'y hindi na natin mararating, at iba pa.

Hindi ka mabibigo kung ang animation lang din ang pag-uusapan. Sa pag-usad ng mga taon ay siya namang pagtaas ng mga kalidad ng mga animated movies na inihahain ng Pixar. Kitang-kita mo ang magagandang katangian nito lalo na kapag naihahalintulad ang visiuals nito sa mga 1D at 2D animations. Bago din sa mga mata ang pagkakaroon ng black-American character kung saan bibida ang kanilang kalinangan.

Maihahalintulad ko ang Soul sa pelikulang Inside Out (2015) kung saan ay ginawan nila ng sariling mundo ang mga bagay na mahirap ipaliwanag (sa Soul ay kaluluwa, sa Inside Out naman ay mga emosyon) at ginagamitan ito ng mga pop culture reference upang bigyan ng eksplinasyon ang mga hindi pangkaraniwang bagay na nararanasan ng mga tao. Fictional at wala mang scientific evidence ay nakakatuwa pa ring panoorin kung papaano nila ikonekta ang pantasya sa realidad.

Pagdating sa istorya, nagustuhan ko kung papaano nila ginawang child-friendly ang morbid topic na kamatayan. Hindi nga masyadong maliwanag ang mga patakaran sa mundong kanilang binuo lalo na sa bandang dulo kung saan ay nakabalik si Joe sa Great Before, maaari bang mamatay sa pamamagitan ng pag-zone out? Hindi ko alam kung may na-miss ako pero napatanong lang ako sa parteng iyon.

Magugustuhan ng mga bata, mas lalong magugustuhan ng mga matatanda. Hindi lang simpleng pang-aliw ang naging kuwento ng Soul bagkus ay magiging eye-opener ito para sa mga manonood sa kung papaano nila itrato ang nalalabi nilang buhay sa mundo.



Poster courtesy of IMP Awards.


No comments:

Post a Comment