★★★★★★ ☆☆☆☆
Starring: Isabel May, Thomas Jane
Genre: Action, Crime, Thriller
Runtime: 1 hour, 49 minutes
Director: Kyle Rankin
Writer: Kyle Rankin
Production: Bonfire Legend, Media Finance Capital
Country: USA
Apat na estudyante sa Hayskul ang nanghold-up ng kanilang mga kaklase at nagsimula ng school shooting sa kanilang eskuwelahan para sa kani-kanilang sariling ipinaglalaban. Maiipit sa naturang gulo ang estudyanteng si Zoe Hull na kasalukuyang ipinagdadalamhati ang pagkawala ng kaniyang ina. Sa halip na tumakas at iligtas ang sarili ay minabuti ni Zoe na tumayo bilang tagapagligatas at labanan ang mga taong nasa likod ng pagpatay at iligtas ang kanilang buong paaralan.
Habang pinapanood ko ang pelikula ay marami akong napansing pagkukulang dito pagdating sa paggamit ng lohika, pagkakaroon ng safety protocols at ang kahandaan ng isang eskuwelahan, maging ang kapulisan pagdating sa mga school shootings na hindi na bago sa Amerika.
Una sa lahat, ang babaw ng ginawang dahilan kung bakit natagalan ang mga awtoridad sa pag-aksyon sa naturang insidente, dahil lang sa isang kubo at bukid na nasusunog. Sa pagsisimula pa lamang ng dilemma ay ibinasura na ng palabas ang survival instinct at common sense ng mga karakter sa palabas. Sa laki ng kanilang paaralan ay hindi ko maintindihan kung papaanong na-trap parin ang mga mag-aaral nito laban sa apat na kabataan. Sa kalagitnaan ng barilan ay nakapagtataka ring walang nakaririnig sa mga putok nito na ibang guro at mag-aaral. Sa kaalamang may mamamatay tao sa loob ng eskuwela ay hindi ko rin mawari kung bakit walang ginawang hakbang ang mga guro sa naturang pasilidad. At babanggitin ko pa ba ang mga mangmang na kapulisan sa palabas?
Mabuti na lang at ginawang matalino, matapang at palaban ang bidang babae. Dahil dito ay mayroon kang kakampihan at aabangan. Kahit papaano ay gumanda ang naging takbo ng palabas nang magsimula nang lumaban mag-isa ang bida. Siya ang nagbigay ng thrill at aksyon sa palabas. Siya ang bumuhay sa palabas. Katulad ng trabaho ng bida ay siya ang nagbuhat sa buong pelikula.
Pero dahil nga napunta sa bida ang lahat ng magagandang katangian ng pelikula ay na-tone down ang iba pang aspeto nito katulad ng pagkakaroon sana ng magandang supporting cast, at matino at mas realistic na approach sa insidente. Boring ang storytelling at kung hindi lang dahil sa satisfying na killing spree ng bida ay hindi ito aabot ng sais.
Poster courtesy of IMP Awards.
No comments:
Post a Comment