★★★★★★★ ☆☆☆
Starring: Emma Stone, Emma Thompson
Genre: Comedy, Crime
Runtime: 2 ours, 14 minutes
Director: Craig Gillespie
Writer: Dana Fox, Tony McNamara, Aline Brosh McKenna (story), Kelly Marcel (story), Steve Zissis (story), Dodie Smith (novel)
Production: Gunn Films, Marc Platt Productions, TSG Entertainment
Country: USA
Maagang nauila sa magulang si Estella Miller (Emma Stone). Sa pag-aakalang siya ang dahilan ng pagkamatay ng kaniyang ina ay lumaki siya bilang isang magnanakaw kasama ang mga katulad niyang ulila na rin na sina Jasper Badun (Joel Fry) at Horace Badun (Paul Walter Hauser) na 'di kalaunan ay naging malapit na niyang kaibigan.
Sa kanilang paglaki ay makakapasok bilang tagalinis si Estella sa isang kilalang department store. Dito na siya makikilala ni Baroness von Hellman (Emma Thompson), isang renowned na fashion designer at nagmamay-ari ng pinakasikat na fashion house sa London. Sa kaniyang ambisyon na maging sikat na fashion designer ay nanatili si Estella sa ilalim ni Baroness para mapalawak ang kaniyang kaalaman sa fashion. Pero sa kanilang pagsasama ay isang sikreto ang malalaman ni Estella tungkol kay Baroness nay may kinalaman sa pagkamatay ng kaniyang ina.
Sa simula pa lamang ay ang galing ni Stone sa pag-arte na agad ang una mong mapapansin. Unang salang pa lamang niya sa screen ay na-establish na niya agad ang kaniyang karakter na si Estella/Cruella. Napakalakas ng chemistry niya sa buong cast at ibang-iba ang naging atake nito sa karakter kumpara sa mga nauna na niyang ginampanan. Mas gumanda pa ang pelikula sa pagdating ni Thompson na equally ay magaling rin ang ipinamalas na pag-arte. Nakatutuwa silang panoorin kapag nagsama na sila ni Stone sa screen. The Devil Wears Prada (2006) ang datingan ng kanilang tandem na hinaluan ng pagiging dark, quirky at IDGAF na character style ni Harley Quinn sa Birds of Prey (2020).
Pinakanagustuhan ko ang act 1 ng pelikula. Seryoso kasi ang tono na hinaluan ng light comedy. Madali lang nitong nakuha ang simpatya ko para sa bida. Pagdating sa act 2, dito na pumasok ang Disney tone kung saan nagkaroon na ng kaunting adventure ang mga bida at ang comedy nito ay medyo overpowering na masyado sa puntong medyo nagiging slpastick na ang mga ganap. Ang klase ng humor na ito ay usually para sa mga mas batang manonood na okay lang naman sana sa akin pero sa opinyon ko ay hindi bumagay sa overall tone ng palabas. Masyado ring naging convenient para sa mga bida ang "heist" plotline na para sa akin ay ang naging dahilan kung bakit ito kinulang sa excitement.
Nakabawi naman ang pelikula sa act 3 kung saan ay inilabas na ang hindi inaasahang twist. Very Disney pa rin ang naging climax pero okay na rin. Hindi ko naman sinasabi na hindi maganda ang istilo ng Disney pero sa dark setting kasi na binuo nila para sa Cruella ay hindi ito masyadong tugma. Ang nagustuhan ko nga sa pelikula ay ang pagiging dark nito na sakto lang din para sa buong pamilya. Ini-emphasize lang nito na ang bida sa palabas ay isang kontrabida at gusto lang nilang ipakita ang kuwento niya kung bakit siya naging masama nang hindi pinapalitan ang image nitong "kontrabida."
Pagdating sa production, mapapanganga ka na lang sa mga fashions styles dito. Hindi ako fashionista pero maganda ang mga wardrobe ng mga karakter. Hindi naman masyadong nakabibilib ang CGI, alam kong may igaganda pa ito pero hindi talaga realistic ang visuals ng mga aso at iba pang parte ng pelikula na ginamitan ng visual effects.
Overall ay maganda naman ang istorya. Nakaka-aliw na ginagawan na nila ngayon ng prequel ang mga iconic antagonist na ating kinalakihan nang sa gayon ay hindi lang sila maging one-dimensional. Nagustuhan ko ang pagdagdag nila ng mental health sa kuwento na kung hindi niyo napansin ay mayroong bipolar disorder si Estella/Cruella.
Poster courtesy of IMP Awards.
No comments:
Post a Comment