Search a Movie

Friday, January 25, 2019

Harry & Patty (2018)

Poster courtesy of IMDb
© Cineko Productions
7 stars of 10
★★★★★★★ ☆☆☆

Starring: Kakai Bautista, Ahron Villena
Genre: Comedy, Romance
Runtime: 1 hour, 52 minutes

Director: Julius Alfonso
Writer: Volta Delos Santos
Production: Cineko Productions
Country: Philippines


Isang simpleng dalaga si Patty (Kakai Bautista) na ang trabaho ay nagmamaneho ng isang pampasaherong sasakyan. Hindi man nabiyayaan ng angking ganda ay mayroon naman siyang maganda at mabuting personalidad. Nang isang gabing maging pasahero nito ang lasing na si Harry (Ahron Villena) ay agad mahuhulog ang loob ng binata sa kaniya.

Pursigidong makapiling ang drayber na umalalay sa kaniyang nang siya'y lasing ay kinaibigan ni Harry si Patty. Naging magkaibigan ang dalawa at mas lalong napaibig si Harry sa dalaga. Nang sa wakas ay nakamit ni Harry ang matamis na oo ni Patty ay mapag-aalaman ng huli ang sikretong bumabalot sa nakaraan ng binata.

Cheesy ang linyahan at pilit ang pakilig sa simula pero dahil sa hindi inaasahang chemistry sa pagitan nila Bautista at Villena ay lalabas ang natural na kilig na dulot ng pelikula. Maganda ang kuwento nito, ang nagustuhan ko sa Harry & Patty ay hindi mo alam kung saan papatungo ang istorya nito. Hindi mo alam kung ano ang maaaring maging conflict ng palabas at kung ano ang nakatagong twist sa dulo nito. Malimit na lang makakita ng ganitong palabas kung saan aabangan mo talaga kung papaano ito magtatapos dahil wala kang ideya kung papaano magwawakas ang kanilang kuwentong pag-ibig.

Kukunin ng palabas ang iyong atensyon dahil sa kakaibang love story nito kung saan ang isang matipunong binata ay nagkakandarapa sa isang hindi kagandahang dalaga. Sa buong pelikula ay isang katanungan ang mabubuo at maghihintay ng kasagutan, bakit? Ang maganda dito ay ipinakita ng palabas ang pagiging independent ni Patty at alam niya ang kaniyang katayuan pagdating sa pag-ibig, na hindi dapat, subalit iyon na ang binuo ng lipunan.

Stand-out dito si Bautista, kaya niyang dalhin ang sarili niyang pelikula dahil sa kaniyang natural na pagka-komedyante at marunong din sa matinding dramaham. Hindi rin naman nagpahuli si Villena na ginamit ang kaniyang ka-guwapuhan upang magpakilig at nakasabay din sa kaniyang leading lady. Minsan, nagiging overacting si Mark Neumann na gumanap bilang kapatid ni Patty pero isa rin siya sa nagstand-out sa palabas at nagdagdag ng komedya dito. 

Maganda ang kinalabasan ng Harry & Patty bilang isang rom-com na pelikula. Hindi naman masyadong kakaiba pero hindi rin tipikal. Mahusay ang pagkaka-kuwento nito at masayang panoorin ang buong cast.


No comments:

Post a Comment