★★★★★★ ☆☆☆☆
Starring: John Cho, Debra Messing
Genre: Mystery, Thriller
Runtime: 1 hour, 42 minutes
Director: Aneesh Chaganty
Writer: Aneesh Chaganty, Sev Ohanian
Production: Screen Gems, Stage 6 Films, Bazelevs Production
Country: USA
Simula nang namayapa ang kanilang ilaw ng tahanan ay unti-unti nang naging malamig ang samahan sa pagitan ng mag-amang sina David (John Cho) at Margot Kim (Michelle La). Nalayo ang loob ni Margot sa kaniyang ama kaya naman nang isang araw ay bigla na lang naglaho na parang bula ang dalaga ay hindi mawari ni David kung naglayas ba ito o may masama nang nangyari sa kaniyang kaisa-isang anak.
Sa tulong ng sikat na detective na si Rosemary Vick (Debra Messing) ay susubukang lutasin ni David ang misteryo sa biglaang pagkawala ng anak. Dito niya mapagtatanto na wala siyang kaalam-alam sa naging buhay ng naturang dalaga, unti-unti nitong mahahalungkat ang mga bagay na hindi nito alam ay bumabalot sa anak nitong si Margot.
Literal na kakaiba ang naging set-up ng pelikula dahil nagmistula itong found-footage film na nagmumula sa point of view ng smartphones, laptop, computer, CCTV camera at news reports. Bagamat hindi ito ang unang pelikula na gumawa ng ganitong tipo ng palabas ay nakagawa parin ang Searching ng kakaibang paglalakbay sa isang kathang-isip na kuwento.
Story-wise ay mayroon itong maayos na kuwento. Maganda ang naging build-up nito sa misteryo ng pagkawala ni Margot. Ang mga maya't-mayang pasabog sa pagkatao ni Margot ang nagbigay buhay sa kuwento ng pelikula. Ngunit kung thrill ang pag-uusapan na siyang pangunahing genre ng naturang palabas ay hindi ko ito gaanong nadama. Dahil siguro ang bawat pangyayari ay limitado lamang sa screen ng bawat computer o cellphone.
Oo nga't kakaiba ang ipinakitang konsepto ng Searching ngunit ito rin ang naging dahilan kung bakit tila naging limitado ang pelikula sa ibang aspeto nito tulad ng cinematography. Hindi mo lubusang ma-enjoy ang kuwento dahil para kang nakakulong sa kuwadradong mata ng teknolohiya at hindi mo alam ang nangyayari sa labas.
Mas maganda sana ang kinalabasan nito kung sinundan na lang ng direktor ang nakaugaliang paggawa ng pelikula, doon ay mas ramdam mo ang suspense na nais ipadama ng pelikula sa mga manonod. Gayunpaman ay kudos parin sa kaniya dahil sa pag-eksperimento nito upang makapagbigay ng kakaibang palabas.
No comments:
Post a Comment