Poster courtesy of IMDb © Strawdogs Studio Production |
7 stars of 10
★★★★★★★ ☆☆☆
Starring: Erich Gonzales, Alex Medina, Thou Reyes, Max Eigenmann, Paolo Paraiso
Genre: Action, Thriller
Runtime: 1 hour, 45 minutes
Director: Richard Somes
Writer: Richard Somes
Production: Strawdogs Studio Production, EG Films, Outpost Visual Frontier
Country: Philippines
Umi-ekstra bilang isang stunt woman si Kray (Erich Gonzales) upang matustusan ang pangangailangan ng kaniyang amang may sakit ngunit hindi parin ito sapat para sa kanilang dalawa. Kaya naman nang may bagong raket na inalok ang dati nitong nobyong si Ramil (Alex Medina) sa kanilang barkada ay pinatos agad ito ni Kray sa ngalan ng pera.
Subalit hindi inaasahan ng grupo nila Kray na ang raket na ito ay malayo pala sa kanilang inaasahan bukod dito ay labag pa ito sa batas lalo na sa kanilang prinsipyo. Hindi tinanggap ni Ramil ang trabaho na naging sanhi ng isang malaking riot sa pagitan nila Kray at ng sindikatong pinangungunahan ni Bangkil (Paolo Paraiso). Dito na nagsimula ang pusa't dagang laro sa pagitan ng dalawang grupo kung saan ang kani-kanilang buhay ang nakataya.
Mula sa pananamit ng mga karakter hanggang sa color scheme ng buong pelikula ay mapapansin mo na agad ang madilim nitong tema. Ramdam mo ang pagiging indie nito na hindi naman masama dahil ito ang naging batayan upang makitang iba ito mula sa mga nakasanayang mainstream movies sa Pinoy cinema.
May simple itong storyline at minimal lang ang dialogue na minsan ay paulit-ulit pa na naririnig ngunit napuno naman ito ng aksyon at thrill. Hindi ka madidismaya kung labanan ang iyong sadya sa pelikulang ito dahil 90% na laman nito ay puro bakbakan, habulan at taguan. Nakaka-impress ang ipinakita ni Gonzales sa pelikula. Nailabas nito ang galing niya sa pag-arte nang makabuo siya ng isang astig na karakter, matapang, marunong makipagbakbakan at sa parehong pagkakataon ay hindi naging tomboyish ang dating at mayroon paring feminine side.
Bagamat kabilaan ang magagandang komento ukol sa pelikula ay malayo parin ito sa pagiging perpekto. Wala itong character development at boring ang naging palitan ng linya ng mga karater. Paulit-ulit mong maririnig ang mga salitang "dali," "bilis," at "nasaan si Jonesky?" Ang mga labanan sa pagitan ng dalawang grupo lang talaga ang nagbuhat sa pelikula. Wala kang anumang mararamdaman kahit na may mangyari man sa mga bida dahil wala naman silang ibinahaging kuwento upang mag-invest ang mga manonood sa kanila. Ni hindi nila hinalungkat ang naging relasyon nila Kray at Ramil. Marami ding naging desisyon ang mga bida na nakakabobo, na sa halip na magbigay thrill ay maiinis ka lang. Katulad na lang ng cliche na paghihiwalay ng mga grupo sa kalagitnaan ng pelikula at marami pang iba.
Mabuti na lang at maganda ang musical scoring ng pelikula at umangkop sa mga eksena ang mga pinili nilang tugtog para rito. Naging epic ang mga bakbakan dahil dito lalo na sa naging unang sagupaan ng dalawang grupo kung saan pinatungan nila ito ng heavy metal na tugtog.
No comments:
Post a Comment