Search a Movie

Wednesday, February 18, 2015

Fifty Shades of Grey (2015)

6 stars of 10
★★★★★★ ☆☆☆☆

Starring: Dakota Johnson, Jamie Dornan
Genre: Romance, Drama
Runtime: 2 hours, 5 minutes

Director: Sam Taylor-Johnson
Writers: Kelly Marcel, E.L. James (novel)
Production: Focus Features, Michael de Luca Productions, Trigger Street Productions
Country: USA


Isa na siguro ito sa mga pina-aabangang pelikula ngayong taon na bagamat punong-puno ng hindi kagandahang opinyon mula sa mga kritiko ay tuloy parin ang pagtangkilik ng madla. Katulad ng inaasahan ko, nagawang pagandahin ni Sam Taylor-Johnson ang libro ni E.L. James sa pamamagitan ng pag-alis ng mga eksenang paulit-ulit at walang kabuluhan, nagawa nitong balansehin ang sex at ang pag-ibig upang gawing katanggap-tanggap ang kwento. 

Magsisimula ang pelikula sa unang pagkikita nila Anastasia Steele (Dakota Johnson), isang senior college student at Christian Grey (Jamie Dornan), isang mayamang corporate executive para sa interview ng isang college newspaper. Unang pagkikita pa lang ay agad nang nagka-interes ang dalawa sa isa't-isa. Nahulog ang loob ni Anastasia sa makisig at mapanghalinang si Christian subalit ang hindi niya alam, may mga itinatagong lihim itong si Christian na higit pa sa kaniyang iniisip.

Kuhang-kuha ng pelikula ang libro, ang humor pati na rin ang kilig na dulot nito. Ang mas nagpaganda pa rito ay ang lead cast, tunay nga namang kaibig-ibig sina Johnson at Dornan bilang Anastasia at Christian. Nagawang gampanan ni Johnson ng mabuti ang role ng isang college virgin na sabik sa sex at tulad rin ng mga babaeng teenagers ay nagnanais ng pagmamahal mula sa isang mala-Prince Charming na tulad ni Christian. Sa kabilang banda, hindi sumapat ang simpleng karisma at magandang pangangatawan ni Dornan bilang Christian Grey. Nakulangan ako sa pagganap niya dahil hindi ko nakita ang pagiging intimidating nito, ang pagiging control freak, workaholic at higit sa lahat, ang pagkakaroon niya ng fifty shades. Para lang siyang isang normal na mayamang bachelor na may kakaibang hilig sa pagtatalik. Hindi ko naramdaman ang pagiging kakaiba niya dahil sa pagkakaroon ng hindi magandang karanasan sa kaniyang kabataan.

Kung susumahin, maliban sa mga nakakadismayang supporting cast, ay maaayos ang pagkakagawa nitong pelikula. Magaling ang mga shots at pati na rin ang paglalapat ng mga kantang nababagay sa emosyon ng bawat eksena. Mas nakadagdag pa sa excitement ang chemistry ng dalawang bida pati na rin ang ilang frontal scenes na nagpapakita ng tila makatotohanang pagtatalik nang hindi nagmumukhang porn. 

May pagkakahawig itong libro ng Fifty Shades of Grey sa Twilight ni Stephenie Meyer ngunit naiwasan naman nitong magmukhang Twilight on screen at dahil nagsimula nga itong Fifty Shades of Grey bilang isang Twilight fan fiction, para ma-enjoy ang pelikula ay huwag mo nang subukang taasan pa ang iyong standards sa panonood dahil isa lang itong tipikal na love story na hinaluan ng kaunting BDSM kung saan ang pag-iibigan ng dalawang bida ay hinadlangan ng kanilang magkaibang pagkatao.


© Focus Features, Michael de Luca Productions, Trigger Street Productions

No comments:

Post a Comment