Search a Movie

Wednesday, November 30, 2016

Brooklyn (2015)

Poster courtesy of IMP Awards
© TSG Entertainment
8 stars of 10
★★★★★★★★ ☆☆

Starring: Saoirse Ronan, Emory Cohen, Domhnall Gleeson
Genre: Drama, Romance
Runtime: 1 hour, 51 minutes

Director: John Crowley
Writers: Nick Hornby, Colm Tóibín (novel)
Production: Wildgaze Films, Parallel Film Productions, BFI, BBC Films, HanWay Films, TSG Entertainment 
Country: Canada, Ireland, United Kingdom


Mahirap malayo sa pamilya, mas lalong mahirap manirahan bilang isang dayuhan sa lugar na wala kang kakilala at walang kakampi. Ganito ang naramdaman ni Eilis Lacey (Saoirse Ronan), isang Irish immigrant, nang lumipat siya sa Brooklyn upang makapaghanap ng maayos na trabaho.

Noong una'y nahirapan si Eilis na mag-adjust sa kaniyang bagong buhay. Maya't-mayang dinadalaw ng homesickness, siya ay nanirahan sa isang boarding house at nakakuha ng trabaho sa isang department store. Mahiyain at tahimik noong una ngunit unti-unti rin siyang nakapag-adapt nang magkaroon ito ng malapit na kaibigan - si Anthony "Tony" Fiorello (Emory Cohen), isang Italyano na agad nahulog ang loob kay Eilis. Hindi nagtagal ay pumasok ang dalawa sa isang relasyon at ang dating tahimik na dalaga ay biglang nagkaroon ng inspirasyon sa buhay.

Ngunit ang pag-iibigan ng dalawa ay nahinto nang makatanggap si Eilis ng masamang balita mula sa Ireland, dahil dito ay kinailangan niyang bumalik at iwan ang nobyo... isang desisyon na maaaring sumira sa kanilang pagsasama.

Napaka-simple lang ng istorya nito kung ikukumpara natin ang Brooklyn sa ibang nominado bilang Best Picture sa Oscars, ngunit ang simpleng kuwento na ito ay makabuluhan lalo na para sa mga normal na tao na makaka-relate kay Eilis dahil marami sa atin ngayon ang halos tulad niyang nakatira o nagta-trabaho sa ibang bansa, na kung tawagin sa ating bansa ay OFW. Tatalakayin ng pelikula ang mga karaniwang nararanasan ng taong naghahanap-buhay abroad, ang homesickness, cultural differences, ang hirap sa pakikitungo sa mga dayuhan, at kung ano pa.

Napakaganda ng pagkakagawa sa karakter ni Eilis. Kitang-kita mo ang pagbabago nito mula umpisa hanggang sa wakas at nagampanan ng maayos ni Ronan ang karakter na ito. Mapapaniwala ka sa bawat emosyon na ibibigay niya dahil siguro ilan sa mga naranasan ng kaniyang karakter ay makaka-relate ang manonood. Ang isa pang nagustuhan ko sa kaniyang karakter ay sa kaniya mismo manggagaling ang conflict ng pelikula. Wala kontrabida sa kaniyang buhay kundi siya mismo, mamahalin mo siya ngunit magkakaroon din ng puntong maiinis ka sa kaniya. Kung hindi man ibinigay kay Brie Larson ang Oscars ay siya ang gugustuhin kong makakuha nito.

Romance ang pangunahing genre ng Brooklyn, na binalanse ng drama sa pamamagitan ng pagdagdag ng nauugnay na paksa. Sobrang husay ng pagkakasulat sa love story ni Eilis at Tony. Hindi pilit ang kanilang chemistry at makikita mo talaga ang development ng kanilang pag-iibigan. Mararamdaman mo ang umaapaw na pag-iibigan ng dalawa at ito ang kakapitan ng manonood sa pelikula. 

Hindi man kasing lakas ng The Revenant (2015) o Spotlight (2015) ang kuwento nito ay magbibigay naman ito ng mahusay na istorya at magaling na cast, makikita mo sa palabas ang inilaan na effort sa paggawa ng isang kanais-nais na pelikula. Paiiyakin ka, paiibigin at sa halos dalawang oras na panonood ay mapapaniwala kang may forever.


No comments:

Post a Comment