Poster courtesy of IMP Awards © Paramount Pictures |
★★★★★★★★ ☆☆
Starring: Patrick Swayze, Demi Moore, Whoopi Goldberg, Tony Goldwyn
Genre: Drama, Fantasy, Romance, Thriller
Runtime: 2 hours, 7 minutes
Director: Jerry Zucker
Writer: Bruce Joel Rubin
Production: Paramount Pictures
Country: USA
Ano ang mangyayari sa kaluluwa natin pagkatapos nating mamatay? Ito ang isa sa mga katanungan hinding-hindi natin kailanman malalaman ang sagot hangga't hindi natin ito nararanasan mismo. Ngunit si Sam Wheat (Patrick Swayze) na banker ng isang kumpanya ay nalaman ang kasagutan nang harapin nito ang sariling kamatayan.
Habang nasa trabaho, napansin ni Wheat ang isang bank account na punong-puno ng napakalaking halaga ng pera. Inimbestigahan niya ito sa pag-aakalang isa lang itong kamalian mula sa banko. Ipinagpatuloy ni Wheat ang kaniyang araw-araw na gawain kasama ang kasintahang si Molly Jensen (Demi Moore) na isang potter. Isang gabi, nang manggaling ang dalawa mula sa panonood ng pelikula ay sinalubong sila ng isang hold-upper. Sinubukan silang pagnakawan ng masamang loob ngunit lumaban si Wheat na siyang naging sanhi ng kaniyang pagkasawi nang tamaan siya ng bala mula sa baril ng lalaki. Huli na nang malaman ni Wheat na isa na lang siyang kaluluwa.
Ngunit hindi dito natatapos ang lahat, mula sa pagiging ispirito na hindi nakikita ng pangkaraniwang tao ay napag-alaman ni Wheat na may mas malalim pa palang dahilan ang kaniyang pagkamatay. Maliban dito ay nasa panganib ngayon ang buhay ng mahal niyang si Jensen. Sa tulong ng isang fake medium na si Oda Mae Brown (Whoopi Goldberg), na saka lang bumukas ang third eye dahil kay Wheat, ay sinubukang iligtas ni Wheat si Jensen mula sa kapahamakan at binigyang hustisya ang kaniyang pagkamatay.
Isa sa mga klasikong pelikula na ang kuwento ay kailanman hindi maluluma ng panahon. Kung mahilig ka sa mga pag-ibig na pinaghiwalay ng kamatayan ay siguradong iiyakan mo rin ang pelikula na ito. Sa buong palabas ay bibigyan ka ng kurot sa puso dahil sa tragic nitong istorya ngunit binalanse naman ito ni Jerry Zucker sa pamamagitan ng pagpasok ng maya't-mayang komedya mula sa nakakatuwang karakter ni Goldberg.
Pagdating sa kalagitnaan, mahuhulaan mo na kung saan hahantong ang lahat, ang tanging hihintayin mo na lang ay kung papaano ito hahantong sa katapusan. Wala nang inihandang twist ang writer sa dulo at kahit ganoon ay tututok ka parin naman sa palabas dahil sa magagaling na aktor. Mamahalin mo ang bawat isa sa kanila, at kamumuhian mo naman ang isa.
Para rin itong Titanic (1997), ang kaibahan lang nito sa Ghost ay sa simula nangyari ang paghihiwalay ng dalawang bida pero ang lahat ay tumuloy parin sa isang malungkot na katapusan. Maganda ang ginamit na soundtrack ng pelikula, ito ang dumagdag sa pagdadalamhati ng bawat manonood. At sa pagtagal ng panahon, ito ang magpapaalala sa bawat isa sa naging kuwento nila Jensen at Wheat na tulad ng sinabi ko ay hindi kailanman maluluma.
No comments:
Post a Comment