Poster courtesy of IMP Awards © Element Pictures |
7 stars of 10
★★★★★★★ ☆☆☆
Starring: Brie Larson, Jacob Tremblay, Sean Bridgers
Genre: Drama
Runtime: 1 hour, 58 minutes
Director: Lenny Abrahamson
Writer: Emma Donoghue
Production: Element Pictures, Film 4, FilmNation Entertainment, No Trace Company
Country: Ireland, Canada
Nagsimula ang kuwento ng pelikula bilang isang misteryo kung saan ang bidang sina Joy (Brie Larson) o mas kilala sa tawag na "Ma" ng kaniyang anak na si Jack (Jacob Tremblay) ay nakatira sa iisang kuwarto laman ang isang kama, isang bathtub, telebisyon at iba pang gamit na sapat na upang mabuhay sa isang kuwarto na hindi na kinakailangang lumabas. Makikita sa mga unang tagpo ang pagiging kuntento ng mag-ina sa pagtira nila sa naturang kuwarto, na masaya na sila sa simpleng buhay na dala nito ngunit sa pag-usad ng istorya ay dito natin malalaman na si Joy ay biktima pala ng kidnapping at kasama ang anak ay bihag sila ngayon ni Old Nick (Sean Bridgers), ang taong kumidnap kay Joy pitong taon na ang lumilipas.
Maliban sa pagiging bihag ay sapilitan ding kinakatalik ni Old Nick si Joy, dito nabuo si Jack kung saan sa maliit na silid na siya iniluwal, pinalaki at inalagaan ng kaniyang ina. Ang maliit na mundo ni Jack sa silid ay biglang nabago nang magtangka silang tumakas ni Joy. Agad naiba ang buhay ni Jack nang makita nito ang mas malawak na mundo sa labas ng kanilang silid. Sa parehong pagkakataon, hindi lang si Jack ang nanibago, maging ang ina nitong si Joy ay nahirapang ibalik ang dating pamumuhay hanggang sa hindi na nito makayanan pang harapin ng kaniyang diwa.
Isang natatanging kuwento na bibihag sa bawat manonood. Maganda na nagsimula ito sa gitna, kung saan walang ideya ang manonood kung tungkol saan ang pelikula maliban na lang kung nanood o nagbasa sila ng kung anumang kaugnay sa palabas, na siyang hindi ko ginawa kung kaya't ang bawat eksena ay napapa-isip ako kung saan ito papatungo.
Nasa first act ang lahat ng magaganda, ang thrill, ang curiosity, ang drama, at gaya ng sinabi ko, ang misteryo ay nandoon lahat sa unang parte. Ang mga sangkap na ito sa first arc ay hindi nadala ni Lenny Abrahamson sa ikalawang parte ng pelikula, dahil siguro sa mga pagkakataong ito ay nailahad na sa mga manonood kung tungkol saan ang kuwento. Nawala na ang ilang emosyong nabuo sa simula at naubusan na ng thrill sa second half. Ang tanging aabangan mo na lang dito ay ang dramang dala ng kuwento at ang galing ng bawat aktor sa palabas. Si Larson ang nagpamalas ng galing sa pelikula na sinabayan din naman ni Tremblay na kahit bata pa ay nakapagbigay ng kapani-paniwalang pag-arte.
Kahit hindi gaanong ka-consistent ang mga emosyong mararamdaman mo sa Room ay makapagbibigay parin naman ito ng isang unique na kuwento, magaling na cast at satisfying na ending.
No comments:
Post a Comment