Search a Movie

Friday, November 4, 2016

The Danish Girl (2015)

Poster courtesy of IMP Awards
© Universal Pictures
8 stars of 10
★★★★★★★★ ☆☆

Starring: Eddie Redmayne, Alicia Vikander, Matthias Schoenaerts
Genre: Biography, Drama, Romance
Runtime: 1 hour, 59 minutes

Director: Tom Hooper
Writer: Lucinda Coxon, David Ebershoff (novel)
Production: Working Title, Universal Pictures, Pretty Pictures, Artemis Productions, Revision Pictures, Senator Global Productions
Country: Belgium, United Kingdom, USA


Ang The Danish Girl ay tungkol sa kakaibang pag-ibig sa pagitan ng mag-asawang pintor na sina Gerda (Alicia Vikander) at Einar Wegener (Eddie Redmayne) na bagamat ang kuwento'y kathang-isip lamang ay hango naman sa tunay na buhay ang bawat karakter.

Sa pagpipinta nabubuhay ang mag-asawang Wegener. Nang minsang hindi nakadalo ang modelong dapat na ipinta ni Gerda ay ang asawa nitong si Einar ang pumalit dito kung saan kinailangan niyang magdamit-babae. Naging popular sa madla ang obrang ito ni Gerda na tampok ang babaeng bersyon ng kaniyang asawa. Simula noon ay si Einar na ang naging modelo ni Gerda hanggang sa nasanay na ito sa mga pambabaeng kasuotan sa puntong ito na ang isinusuot niya sa labas. Hindi naglaon, ang babaeng bersyon ni Einar ay pinangalanan niyang Lili Elbe. Noong una'y hindi ito ikinabahala ni Gerda at sinuportahan pa ang asawa ngunit nagsimula itong mabahala nang tuluyan nang magbago si Einar, kung ang dati'y panlabas na anyo lang ang nagiging babae, ngayo'y maging ang kalooban at damdamin nito ay unti-unti na ring nagiging tulad sa babae.

Ang kuwento ng pelikula ay isang kaso ng pagiging transgender kung saan ang lalaki ay binabago ang panlabas na anyo upang ibagay sa tunay na pagkatao nito. Isang mabigat na paksa ang sinuong ni Tom Hooper ngunit nabigyang katarungan naman niya ito kasama ang iba pang bumubuo ng pelikula. Sina Redmayne at Vikander ang bumuhay sa pelikula. Isang natatanging pagganap ang ipinamalas ng dalawa, sila ang nagbigay ng ganda sa isang sensitibong istorya. Kakaibang Redmayne ang mapapanood natin dito, sa pelikulang ito natin makikita ang husay niya bilang isang aktor. Nakakamangha ang magkaibang atake niya sa kaniyang karakter, mula kay Einar at Lili, para kang nanonood ng dalawang magkaibang aktor. Kuhang-kuha nito ang mannerism ng isang transgender, ang galaw, maging ang ngiti ay mapapaniwala ka talaga sa karakter na kaniyang binibigyang buhay. Sinabayan din siya ni Vikander ng parehong galing sa pag-arte. Makukuha nito ang bawat puso ng manonood. Sa kaniya ka makikisimpatya at kahit hindi siya ang main lead ng pelikula ay nakaya niyang gawing kasing-importante ng bida ang kaniyang karakter.

Pagdating sa kuwento, maganda ang storytelling nito. Tatalakayin nito ang ilang problemang kaakibat ng pagiging transgender o ang simpleng pagiging homosexual. Hindi ganoong kabilis at hindi rin naman masyadong mabagal ang pacing, sakto lang ang usad upang ma-enjoy ito ng nanonood. May naihanda rin itong kaganapan sa dulo na siyang magbibigay impresyon sa manonood. Hindi ko ito inasahan lalo na't hindi naman ako pamilyar sa mga bida. Maganda ang istorya ngunit mabigat sa damdamin. Ito ang pelikulang hindi sasayangin ang oras mo, sa galing pa lang na ipinamalas ng mga bida ay tunay ngang ito'y worth watching.


No comments:

Post a Comment