Search a Movie

Friday, November 25, 2016

I Will Always Love You (2006)

Poster courtesy of OV Guide
© GMA Films
7 stars of 10
★★★★★★★ ☆☆☆

Starring: Richard Gutierrez, Angel Locsin
Genre: Romance
Runtime: 1 hour, 57 minutes

Director: Mac Alejandre
Writer: Suzette Doctolero, RJ Nuevas, Roselle Monteverde (story)
Production: Regal Entertainment, GMA Films
Country: Philippines


Mayaman, mayabang at happy-go-lucky school drop-out si Justin (Richard Gutierrez) na nahulog ang loob sa isang matalino, maganda ngunit mahirap na si Cecille (Angel Locsin). Ang magkaaway na ugnayan ng dalawa sa simula ay unti-unting nauwi sa pagmamahalan. Ngunit ang problema, hindi matatanggap ng pamilya ni Justin ang isang tulad ni Cecille kaya nang pag-aralin ni Adelle (Jean Garcia) ang anak na si Justin sa America ay lihim na isinama ni Justin ang nobya abroad. Walang kamalay-malay si Cecille na si Justin pala ang nagpapa-aral sa kaniya sa pamamagitan ng paggamit nito ng kaniyang monthly allowance at pagkakaroon ng part-time job. Ang hindi alam ni Justin, ang mga kasinungalingang kaniyang binuo ng dahil sa pag-ibig ay siya rin palang sisira sa relasyong kaniyang pinakaiingat-ingatan.

Bago pa man dumating ang AlDub, KathNiel at JaDine, mayroon nang Richard Gutierrez at Angel Locsin. Dito sa pelikula ay kitang-kita ang chemistry ng dalawa kaya hindi naman nakapagtatakang naging box office success ang pelikula nilang ito. Mapapanood mo dito ang kilig sa pagitan ng dalawang bida na sinamahan pa ng pagpapatawang dulot ng supporting cast. Simple at maayos ang pagkaka-kuwento sa istorya nila Justin at Cecille. Mahusay ang storytelling na ginawa ni Mac Alejandre at masusubaybayan talaga ang development ng mga bida.

Ang problema lang sa pelikula ay ang expressionless acting ni Gutierrez. Napakaganda ng kaniyang karakter kaso nga lang ay hindi niya ito nabigyan ng hustisya. May mga maliliit na eksenang naibibigay naman niya ang tamang emosyon ngunit sa mga importanteng kaganapan sa pelikula kung saan nangangailangan ng maayos na akting ay hindi ito naibigay ni Gutierrez. Hindi sapat ang isang patak ng luha upang maipakitang nasasaktan ang karakter niya lalo na't todo bigay ang screen partner niyang si Locsin. Maayos at kahanga-hanga naman ang ipinamalas ni Locsin sa palabas. Nakulangan lang ako sa kaniya ng kaunti sa komprontasyon nila ng karakter ni Jean Garcia ngunti nakabawi naman siya sa bandang huli. Speaking of Garcia, bagamat hindi bagay sa kaniya ang sosyalerang matapobre, dahil siguro walang ka-class-class ang mga dialogue niya ay siya at si Amy Austria ang nagbigay ng mga magagandang performance sa palabas. Bawat eksena ay pinapatunayan nila ang kanilang pagiging beterano sa industriya.

Ang isa pang nagustuhan ko sa pelikula bukod sa magandang kuwento ay ang soundtrack nito. Maliban sa main theme song na binigyang buhay ni Nina ay masarap pakinggan ang alternative-pop at mellow songs na ginamit upang mas madama ng manonood ang nasa screen.

Ang I Will Always Love You ay isa na siguro sa mga classic na pelikula ng GMA Films na hindi na nila nagawa pang ulitin sa kasalukuyan. Kahit na may ilang pagkukulang sa pag-arte ng ilan ay nakabawi naman sila sa ibang aspeto ng palabas. 


No comments:

Post a Comment