Poster courtesy of OFW Pinoy Movies © GMA Films |
★★★★★★ ☆☆☆☆
Starring: Rhian Ramos, Heart Evangelista, Bianca King, Solenn Heussaff
Genre: Comedy
Runtime: 1 hour, 45 minutes
Director: Andoy Ranay
Writer: Des Severino
Production: GMA Films
Country: Philippines
Sexy, maganda. mayaman at higit lahat sosyal. Ito ang mga katangiang mayroon ang magkakaibigang sina Lizzie Consunji (Rhian Ramos), Claudia Ortega (Heart Evangelista), Margaux Bertrand (Solenn Heussaff) at Danielle Alvarez (Bianca King). Sa pagkakatong ito, tila nasa kanila na ang lahat hanggang sa dumating ang balitang ang Polo Club na kanilang paboritong hang-out place ay nakatakda nang ma-demolish kapalit ng isang mall. Sinubukang isalba ng apat na magkakaibigan ang country club at kasabay nito ay ang pagharap din nila sa kaniya-kaniyang issues sa sarili, pamilya, pag-ibig at sa pagkakaibigan.
Isang kuwento tungkol sa mga soyalerang walang magawa sa buhay na ang tanging problema ay ang maisalba ang paborito nilang pang-mayaman na lugar. Ito ang pangunahing kuwento ng pelikula na sa simula'y aakalain mong may ipapakitang saysay sa huli ngunit sa dismaya ko ay wala. Bukod sa main story ay may ilang pang subplots na ipinasok dito para sa development ng mga bida. Ang mayaman na makakaranas ng buhay probinsya plot para kay Lizzie, ang mayaman turned mahirap na kuwento ni Danielle at ang agawan sa lalaking subplot para kina Claudia at Margaux. Bukod pa doon ay ang friendly war sa pagitan nila Glory Ortega (Agot Isidro) at Martina Bertrand (Cherie Gil) na naging magkaribal sa isang beauty pageant. Isama na rin natin ang kuwento ni Luca (Ruffa Gutierrez) na tila biglang naisipan ng director na huwag na lang isama sa climax.
Ayon sa write-ups, ang Sosy Problems ay isang pelikulang ni-release kahit na hindi pa tapos kaya hindi na ako magtataka kung bakit tila nagmamadali ang ending at maraming kuwentong hindi na pinagtiyagaan ng director na tapusin para sa mga manonood. Maganda sana ang pelikula, magaling at kapani-paniwala naman kahit papaano ang protrayal ni Ramos, Evangelista, King at Heussaff sa mga roles nila dahil hindi naman ito ganoon kalayo sa tunay na buhay. Ginawa nila itong over-the-top para sa comedy na siya namang nagdala sa pelikula. Dahil sa mangilan-ngilang mockery sa mga taong super-duper upper class ay nagmistula itong parody o satire film.
Kung nabigyan lang sana ng oras ang pelikula at hindi ito minadali para makaabot sa Metro Manila Film Festival deadline ay maganda ang kalalabasan nito. Magaling ang cast at maayos ang pagpasok ng istorya sa simula ngunit pagdating sa climax ay nagsimula na itong bumagsak na parang shooting star at biglang nasa ending ka na, ang ibang characters ay naglaho na lang na parang bula at iniwan ka kaharap ang sandamakmak na loopholes.
Bibigyan ko ito ng above average na rating dahil nagustuhan ko ang mga bida at na-enjoy ko ang unang kalahati ng pelikula kahit na sablay ang naging katapusan nito dahil sa hindi magandang production. Matatawa ka sa mga bida ngunit maiinis ka sa itinakbo ng istorya.
No comments:
Post a Comment