Poster courtesy of IMP Awards © Columbia Pictures |
★★★★★★★ ☆☆☆
Starring: Jennifer Garner, Kylie Rogers, Martin Henderson
Genre: Biography, Drama, Family
Runtime: 1 hour, 40 minutes
Director: Patricia Riggen
Writer: Randy Brown, Christy Beam (book)
Production: Columbia Pictures, Affirm Films, Roth Films, Franklin Entertainment, TriStar Pictures
Country: USA
Simple ngunit masaya ang pamumuhay ng mga Beam, isang pamilya ng Kristyano na aktibo sa mga gawain ng kanilang iglesiya. Ngunit nang dumating ang isang matinding suliranin sa kanilang pamilya ay masusubok ngayon ang tibay ng kanilang pananampalataya. Ang ikalawang anak nila Christy (Jennifer Garner) at Kevin Beam (Martin Henderson) na si Anna (Kylie Rogers) ay na-diagnose sa sakit na Intestinal Pseudoobstruction kung saan ang bituka nito ay hindi kayang i-proseso ang pagkain.
Para sa ikabubuti ng anak ay gagawin ni Christy ang lahat gumaling lang si Anna. Unti-unting malalayo ang loob nito sa Panginoon hanggang sa isang milagro ang muling magpapanumbalik sa kaniyang nawalang pananampalataya.
May ilang pagkakahalintulad ang Miracles from Heaven sa Heaven is for Real (2014) na iisa lang din ang producer. Iikot ang kuwento nito sa isang batang nagkaroon ng malubhang sakit na sa tulong ng pananalig sa Diyos ay makakatanggap ng isang milagro. May ilang tataas ang kilay sa kuwento nito ngunit dahil base ito sa mga totoong pangyayari ay mahirap ang hindi humanga sa naging kuwento ng pamilya.
Mabilis ang mga pangyayari kaya naman hindi ka mabuburyo dahil wala itong dragging na mga eksena. Madrama man ang istorya ay hinaluan naman ito ng kaunting comic relief sa pagdating ng karakter ni Queen Latifah upang magbawas sa bigat ng dibdib na dinadala ng bawat manonood. Uplifting naman ang mga kantang ginamit sa palabas. Masaya ako na magkahalong rock at Christian rock songs ang ginamit dito na may kaunting kurot sa puso at sa parehong pagkakataon ay nakakagaan parin ng loob kapag napapakinggan mo ito.
Sa buong pelikula, madadala ka sa husay ng pag-arte ni Garner bilang inang buo ang determinasyon. Maawa ka, makiki-simpatya at minsan ay maiinis din, patunay lang sa maayos at magaling nitong pagsasabuhay sa kaniyang karakter.
Ang pelikulang ito ay para sa mga taong nangangailangan ng kaunting push sa buhay. Sa mga taong nawawalan na ng pag-asa at sa mga taong nakalimot. Isang palabas na magbibigay ngiti sa iyong mga labi at magpapa-alala na hindi tayo nag-iisa. Minsan kahit gaano kaliit, may mga milagro sa paligid na hindi natin nabibigyang pansin, hindi nabibigyang importansya ngunit malaki rin pala ang naitutulong sa ating mga problema.
No comments:
Post a Comment