Poster courtesy of IMP Awards © Blumhouse Productions |
★★★★★★ ☆☆☆☆
Starring: Elizabeth Reaser, Annalise Basso, Lulu Wilson
Genre: Horror, Thriller
Runtime: 1 hour, 39 minutes
Director: Mike Flanagan
Writer: Mike Flanagan, Jeff Howard
Production: Allspark Pictures, Blumhouse Productions, Hasbro Studios, Platinum Dunes
Country: USA
Taong 1967 nang maipakilala sa pamilya Zander ang Ouija board. Ang pagiging huwad na espiritista ni Alice (Elizabeth Reaser) ang tanging bumubuhay sa kaniyang pamilya simula nang mawala ang asawa nito kaya naman malaki ang naging tulong ng naturang Ouija board sa kanilang pamumuhay. Subalit ito rin ang naging sanhi ng problemang gugulo sa kanilang pamilya.
Sa paglalaro mag-isa ng pangalawang anak ni Alice na si Doris (Lulu Wilson) sa Ouija board ay makakasalamuha nito ang espiritung nagngangalang Marcus na siyang magpapanggap bilang ang nasira nilang ama. Dito na magsisimulang magkaroon ng kababalaghan sa kanilang pamilya, kababalaghan na maaaring sumira sa tahimik nilang pamilya.
Halu-halo ang naging reaksyon ko sa paraan ng pananakot ng pelikula. May ilan na hindi na kakagatin kung ang manonood ay isang horror flick fanatic dahil ilan sa mga eksena dito ay hindi na orihinal. Ngunit para siguro sa mga kaswal lang na manonood ay maaaring pasado na ito para sa kanila. Okay ang ginawang visuals sa karakter ni Doris, nakakatakot at nakakakilabot ngunit natawa naman ako sa multo ng palabas kung saan ang hitsura nito ay nagmukhang kontrabida sa isang sci-fi movie.
Maganda ang ginawang tensyon sa pagbuo nila ng istorya ngunit bumagsak ang pelikula pagdating sa makalat na climax nito. May isang eksena kung saan imbis na matakot ay natawa na lang ako. Walang klarong dahilan kung bakit nagwawala ang mga multo at wala ring closure sa ilang karakter tulad ni Father Tom Hogan (Henry Thomas) nang matapos ang palabas. Hindi rin nakatulong ang hindi gaanong kagandang pag-arte ng mga bida. Mapapa-WTF ka sa mga nagiging reaksyon nila sa mga pangyayari at maiinis sa mga pinaggagawa nila.
Bilang isang prequel, maganda ang ginawa nilang koneksyon sa Ouija (2014) subalit bilang isang standalone film, hindi ko nagustuhan ang pagharap nila sa conflict ng kuwento. Gayunpaman ay pasado na ang ginawa nilang pananakot. Wala itong gaanong jump scares ngunit makakaramdam ka ng anxiety dulot ng takot sa mga eksena.
No comments:
Post a Comment