Search a Movie

Tuesday, February 21, 2017

Trolls (2016)

Poster courtesy of IMP Awards
© DreamWorks Animation
5 stars of 10
★★★★★ ☆☆☆☆☆

Starring: Anna Kendrick, Justin Timberlake, Zooey Deschanel, Christopher Mintz-Plasse
Genre: Animation, Comedy, Family, Musical
Runtime: 1 hour, 32 minutes

Director:Walt Dohrn, Mike Mitchell
Writer: Jonathan Aibel, Glenn Berger, Erica Rivinoja (story)
Production: DreamWorks Animation
Country: USA


Ang mga trolls na siguro ang pinakamasiyahing nilalang sa mundo. Maliit man ngunit ang kanilang buhay ay makulay at punong-puno ng positibong enerhiya. Kabaliktaran naman ito sa ugali ng mga Bergens, mga higanteng kung tawagin sa ngayon ay puno na ka-bitteran. Hindi makitaan ng ngiti sa mga labi, mainitin ang ulo at wala sa bokabularyo ang salitang "saya". Kaya naman taun-taon ay nagdadaos ang mga Bergens ng araw kung saan ay kumakain sila ng mga trolls upang makaramdam ng saya. Ngunit ito ay natigil nang sa wakas ay makawala ang mga trolls mula sa kamay ng mga Bergens sa pangunguna ng kanilang hari na si King Peppy (Jeffrey Tambor).

Ilang taon ang lumipas simula nang magkaroon ng sariling kalayaan ang mga trolls ay nasa pamumuno na sila ngayon ng anak ni King Peppy na si Princess Poppy (Anna Kendrick) kung saan pinapahintulutan nito ang pagkakaroon ng kabila't-kanang maiingay na pagtitipun-tipon. Dahil sa mga kasiyahang ito ay matutunton ng mga Bergens ang pinagtataguan ng mga trolls dahilan upang mahuli ang ilan sa kanila. Ito na ngayon ang pagkakataon upang mapatunayan ni Princess Poppy ang kaniyang kakayahang humalili sa iniwang puwesto ng ama. Kasama ang mapang-uyam na si Branch (Justin Timberlake) ay susubukang iligtas ni Poppy ang mga kaibigan mula sa mga Bergens.

Bilang isang pelikulang pambata, may pagka-morbid ang konsepto ng pelikula kung saan kailangang kumitil ng buhay para lang sumaya. Bagamat walang namatay sa palabas dahil nga para sa pamilya at ginawa para sa mga bata ang palabas ay medyo nakakabagabag parin ito ng kaunti. Hindi appealing ang mga karakter, masakit sa mata ang pagpuno nila ng makukulay at makikinang na visuals sa palabas na para bang lahat na yata ng kulay sa color wheel ay ipinasok sa loob ng screen. Alam kong simula't sapul ay nakakatakot na ang hitsura ng mga trolls at kahit papaano ay nabawasan nila ito sa pagdagdag ng masisiglang personalidad ng mga bida, gayunpaman ay hindi parin ito maganda sa paningin kahit na hindi ko naman sila masisisi.

Wala tayong makikitang bago sa pelikula, bukod sa theme song nito ay wala na itong maiiwang tatatak sa madla maliban na lang sa dating sikat na laruan kung saan base ang mga karakter. Hindi na bago ang storyline at ilang beses na itong naisagawa sa iba't-ibang pelikula na may kaparehong genre. Maging ang dialogue dito ay narinig ko na rin dati kaya gasgas na ang mga biro sa pelikula. 

Ang nagustuhan ko lang siguro sa buong palabas ay ang eksena kung saan kinanta nila ang "True Colors" dahil nagandahan ako sa kanilang bersyon sa naturang kanta at bumagay din ito sa palabas hindi tulad ng ibang musika na ang corny ng dating. Maganda itong ipanood sa mga batang edad sampu pababa na mas ang atensyon ay nasa naririnig at nakikita at wala pa masyadong paki-alam sa ibang aspeto ng pelikula.


No comments:

Post a Comment