Search a Movie

Wednesday, May 17, 2017

Rings (2017)

Poster courtesy of IMP Awards
© Vertigo Entertainment
5 stars of 10
★★★★★ ☆☆☆☆☆

Starring: Matilda Lutz, Alex Roe
Genre: Horror
Runtime: 1 hour, 42 minutes

Director: F. Javier Gutiérrez
Writer: David Loucka, Jacob Aaron Estes, Akiva Goldsman,Kôji Suzuki (novel)
Production: Macari/Edelstein, Parkes+MacDonald Image Nation, Vertigo Entertainment, Waddieish Claretrap
Country: USA


Ang pangatlo sa The Ring series kung saan ang multong si Samara (Bonnie Morgan) ay muling maghahasik ng lagim gamit ang kaniyang tape sa 21st Century. Sa pagkakataong ito, ang kuwento ng palabas ay iikot sa magkasintahang sina Julia (Matilda Lutz) at Holt Anthony (Alex Roe). Sa paglayo ni Holt upang pumasok sa kolehiyo ay makakadaupang-palad nito ang isinumpang video tape sa pamamagitan ng kaniyang propesor na si Gabriel Brown (Johnny Galecki) na kinasangkapan ang kaniyang mga estudyante upang pag-eksperimentuhan ang naturang kababalaghan.

Sa paglayo ni Holt ay unti-unting nawalan ng contact si Julia sa kaniyang boyfriend nang magsimula itong hindi sumagot sa mga tawag at mag-reply sa kaniyang mga text messages. Lalong nakaramdam ng pag-aalala at pagdududa si Julia nang isang babae ang tumawag sa kaniya gamit ang skype ng kaniyang kasintahan. Dahil dito ay nagtungo si Julia sa paaralan ni Holt upang alamin ang katotohanan. Dito nito madidiskubre ang sikreto ni Gabriel, ang biglaang pag-iwas ni Holt at ang kuwento ni Samara.

Nakita ko ang pagsisikap ng pelikula na magkaroon ng bago at kakaibang kuwento kung saan ang babaeng bida ang nagsilbing knight in shining armor at ang lalaki naman ang naging damsel-in-distress. Gayunpaman, hindi napangatawanan ng mga writers nito ang pagiging kakaiba ng palabas dahil katulad ng ibang horror movies ay sumunod parin ito sa pangkaraniwang pormula ng pananakot kung saan maghahanap ang mga bida ng kasagutan sa tulong ng isang karakter na maraming alam sa naturang problema ngunit sa huli ay ang tunay na nagmamay-ari ng franchise parin ang may huling halakhak.

Ending ang nagbibigay tuldok sa pelikula, dito natin malalaman kung ang isang palabas ay maganda o isang basura. Sa kasamaang-palad, ang Rings ay nahahanay sa mga palabas na may disente na sanang istorya ngunit sinira ng ending. Hindi lang ang kuwento nito ang sinira ng mga writers kundi maging ang buong franchise. Bukod dito ay ginawa nilang ubod ng sama si Samara na ang tanging nais lang naman simula't-sapul ay ang mabigyan ng kalayaan at hustisya. 

Pagdating naman sa mga aspetong teknikal, maayos naman ang cinematography nito. Maganda ang visual effects ngunit hindi ito nakadagdag sa sana'y nakakatakot na palabas. Katamtaman lang ang pananakot na ginawa ng pelikula dahil mas nag-focus sila sa nakaraan ni Samara. Maging ang jump scares nito ay hindi ka mabibigyan ng kaba sa dibdib. Ganun din ang mediocre na acting ng mga bida na mas lalong nakabawas sa katatakutan dahil hindi mo ramdam ang tensyon na nagaganap sa mga eksena.

Nagsimula itong maganda na agad-agad sinira ng cliche na horror formula at mas bumagsak pa dahil sa naging konklusyon ng kuwento nito. Isang palabas na paasa, pagkatapos ng lahat ng paghihirap ay malalaman mong baliwala lang pala ang lahat.


No comments:

Post a Comment