Search a Movie

Thursday, February 15, 2018

Gifted (2017)

Poster courtesy of IMP Awards
© Fox Searchlight Pictures
7 stars of 10
★★★★★★★ ☆☆☆

Starring: Chris Evans, Mckenna Grace
Genre: Drama
Runtime: 1 hour, 41 minutes

Director: Marc Webb
Writer: Tom Flynn
Production: Dayday Films, FilmNation Entertainment, Fox Searchlight Pictures, Grade A Entertainment
Country: USA


Ang nais lamang ni Frank Adler (Chris Evans) para sa kaniyang pamangkin ay ang magkaroon ito ng simple at normal na buhay tulad ng isang pangkaraniwang pitong taong gulang na bata. Subalit si Mary Adler (Mckenna Grace) ay malayung-malayo sa pagiging normal dahil isa siyang math genius. Gayunpaman ay sinubukan parin siyang ipasok ni Frank sa isang normal na paaralan. Dahil sa pagiging matalino ni Mary ay naburyo lang siya sa naturang eskwelahan at nagkaroon lang siya ng hindi magandang ugnayan sa kaniyang guro at mga kaklase.

Nang minsang mapaaway si Mary upang iligtas ang kaklase nitong binubully ay ipinatawag si Frank sa paaralan. Dito ay nagbigay ng suhestyon ang school principal na ilipat na lang si Mary sa paaralan kung saan mas nababagay ang talino ng bata. Dahil sa pagmamatigas ni Frank ay sinubukang sulatan ng principal ang kaniyang inang si Evelyn Adler (Lindsay Duncan) ang lola ni Mary. Nang malaman ang tungkol sa apo ay agad binisita ni Evelyn ang tahanan ni Frank. Binigyan nito ng kompormiso ang anak at sinubukang kunin ang kustodiya ng apo ngunit nakipagmatigasan si Frank hanggang sa humantong ang dalawa sa korte.

Maliban sa pagiging superhero ay marunong din palang sumabak si Evans sa dramahan. Kaya niyang umarte ng naaayon sa role na kaniyang ginagampanan. Bukod sa good looks ay nabigyan naman niya ng hustisya ang kaniyang karakter na isang nagmamalasakit na uncle na ang tanging gusto ay ang mabigyan ng mabuting kapakanan ang kaniyang pamangkin. Magaling rin ang ipinamalas ni Grace na napakanatural ang naging pag-arte. Para siyang walang sinusunod na script at kung ano na lang ang gawain ng isang pitong taong gulang ay iyon ang mapapanood mo sa screen. Ang karakter ni Duncan ang nagbigay ng conflict sa istorya na nagpamalas rin ng galing sa pamamagitan ng pagkakaroon parin ng malasakit kahit na ang trabaho niyang kontra sa bida.

Maganda ang naging kuwento ng Gifted na iikot sa kung ano ang mas mahalaga sa isang pamilya, ang pagkakaroon ng masayang kasalukuyan o ang paghahanda sa marangyang hinaharap. Mahuhulog ka sa ipinakitang pagmamahalan nina Frank at Mary sa isa't-isa na para bang sila'y tunay na mag-ama. Ang naging problema ko lang sa palabas ay naghangad ako ng mas madrama pang tagpo sa court room, ang mga eksena lang doon ang nagkaroon ng kaunting pagkukulang sa timpla ng istorya. Bumawi naman sila sa makabagbag-damdaming katapusan kung saan inilahad na ni Frank ang katotohanan sa kaniyang ina.


No comments:

Post a Comment