Photo courtesy of IMP Awards © HBO Films |
★★★★★ ☆☆☆☆☆
Starring: Alex Frost, Eric Deulen, John Robinson
Genre: Crime, Drama, Thriller
Runtime: 1 hour, 21 minutes
Director: Gus Van Sant
Writer: Gus Van Sant
Production: HBO Films, Fine Line Features, Meno Films, Blue Relief Productions, Fearmakers Studios
Country: USA
Binubuo ng iba't-ibang pananaw ng mga estudyante mula sa Watt High School, ang Elephant ay tatalakay sa pangkaraniwang buhay ng mga kabataan, ang kanilang pang araw-araw na gawain, mga problemang kinakaharap sa pamilya, kaibigan at maging ang kanilang estado sa paaralan.
Ito ay magsisimula sa pagpapakita sa mga regular na gawain ng mga bata sa eskwela, mula sa pagpasok, pag-aaral, paglalaro sa labas ng field, maging sa cafeteria at locker room. Dito ay masasaksihan natin ang iba't-ibang mukha ng kabataan sa hayskul. Ngunit mag-iiba ang timpla ng palabas nang pumasok na ang 'di pangkaraniwang pangyayari na magmumula sa dalawang binatang biktima ng school bullying, sina Alex (Alex Frost) at Eric (Eric Deulen) na nagpa-plano na pala ng isang mas massacre. Mula sa ordinaryong araw sa paaralan, ang pelikula ay mauuwi sa hindi malilimutang trahedya na ibinase mula sa mga aktwal na pangyayari.
Naiintindihan ko kung papaano at bakit nagkamit ng Palme d'Or si Gus Van Sant sa Cannes Film Festival para sa pelikulang ito, maganda ang nilikha niyang pagtatagpi-tagpi ng mga kuwento ng bida. Sa mga naunang eksena, aakalain mong ang babaeng tumatakbo sa background, o ang lalaking dumaan lang sa gilid ay ekstra ngunit sa mga susunod na tagpo ay sila rin pala ay may mahalagang partisipasyon sa palabas. Maayos at maganda ang pagpi-prisinta niya sa mga karakter ng kaniyang pelikula, para silang puzzle pieces na unti-unting nabubuo sa pagpapatuloy ng kuwento.
Ang problema lang ay hindi ko ito nakitaan ng elementong maaaring maging rason upang kumapit ang mga manonood mula simula hanggang sa huli dahil walang tinunguhan ang unang kalahati ng pelikula kundi ang pagpapakita lang ng mga pang araw-araw na gawain ng mga bata. Kung ang isang manonood ay naghahanap ng aksyon, malamang ay lalampasan lang nito ang parteng ito ng pelikula at didiretso na agad sa climax kung saan ay umasa ako na makakaramdam ng halu-halong emosyon ngunit maging sa parte kung saan dapat pinakamaganda ang isang pelikula ay nadismaya ako.
Masyadong nag-focus si Van Sant sa kakaibang paraan nito ng pagpi-prisinta ng mga karakter ng kaniyang pelikula at hindi na nito nabigyang tuon ang mismong kuwento ng palabas. Binigyan nito ng importansya ang bawat karakter na aasahan mong magkakaroon ng malaking parte sa kuwento ngunit sa huli ay ito pala ang siyang ikakadismaya ng isang manonood. Sa simula ay tila inspirado pa si Van Sant sa paggawa dito sa pelikula, detalyado at mabusisi ang bawat tagpo ngunit pagdating sa kalahati nito ay tila tinamad na siya at biglang minadali na ang lahat. Hindi man lang nito binigyang hustisya ang pagkakaroon ng mga naunang bida ng mahabang screen time sa simula at sa huli'y para silang ekstra na itinapon basta.
Para nga itong kinuha mismo sa mga pangyayari sa totoong buhay ngunit minsan, kailangan ding magdagdag ng ilang elemento sa kuwento upang ito'y magustuhan ng madla. Sa kasamaang palad, sa kabila ng pagkakaroon nito ng parangal sa Cannes ay masasabi kong isa lang itong malaking paasa. Bibigyan ka ng magandang simula na mauuwi lang din pala sa pagiging anti-climactic, isang obra na sana'y maaari mag-iwan ng tatak sa bawat manonood.
No comments:
Post a Comment