Search a Movie

Friday, March 4, 2016

Steve Jobs (2015)

Poster courtesy of IMP Awards
© Universal Pictures
8 stars of 10
★★★★★★★★ ☆☆

Starring: Michael Fassbender, Kate Winslet, Seth Rogen
Genre: Biography, Drama
Runtime: 2 hours, 2 minutes

Director: Danny Boyle
Writer: Aaron Sorkin, Walter Isaacson (book)
Production: Universal Pictures, Legendary Pictures, Scott Rudin Productions, The Mark Gordon Company, Entertainment 360, Decibel Films, Cloud Eight Films
Country: USA


Isang biography-drama na ginawa upang ibahagi ang kuwento ng co-founder ng Apple Inc. na si Steve Jobs na ibinase sa libro ni Walter Isaacson. Ang pelikula ay nahahati sa tatlong eksena mula sa taong 1984 hanggang 1998 na iikot sa bawat product launching ng mga kumpanyang na pinangunahan ni Jobs; ang Apple Macintosh, NeXT Computer at iMac G3.

Sa unang parte ipapakilala ni Steve Jobs (Michael Fassbender) sa publiko ang Apple Macintosh ngunit ilang oras bago ang launching nito ay nagka-aberya ang voice demo na sana'y magsasabi ng "Hello" sa mga tao. Kasabay nito ay kinakaharap din niyang isyu tungkol sa pagkakaroon niya ng anak sa kaniyang ex-girlfriend na si Chrisann Brennan (Katherine Waterstone).

Ang sumunod na parte naman ay ang launching ng NeXT Computer. Ito'y matapos mabigo ang Apple Macintosh ni Jobs na nauwi sa pagpapalayas sa kaniya sa kanilang kumpanya. Sa taong 1998, ang pangatlo at huling parte ng pelikula ay tungkol sa pagbabalik ni Jobs sa Apple at ang paglabas ng iMac. Sa pagkakataong ito'y dalaga na ang anak ni Jobs sa kaniyang dating kasintahan ngunit magpahanggang ngayon ay hindi parin maganda ang kanilang pagsasamang dalawa.

Sa simula pa lang ng pelikula ay bubusugin ka na agad ng magagandang eksena. Ibibigay agad ni Danny Boyle ang tensyon sa pagitan ng mga karakter na siyang pasulyap sa kung ano ang dapat abangan ng mga manonood sa buong pelikula.  Bukod sa personal na buhay ni Steve Jobs ay makikita rin natin sa pelikula ang mga kabiguang kinaharap ng bida na siyang bumuo sa tagumpay na kaniyang tinamasa.

Sa bawat paghaharap ng mga karakter sa palabas, mula kay Jobs at Brennan, sa sagutan nila ng kaibigan niyang si Steve Wozniak (Seth Rogen) at John Sculley (Jeff Daniels) maging sa kaniyang pinagkatitiwalaang si Joanna Hoffman (Kate Winslet) ay sobrang intense. Nangingibabaw dito ang pagiging magaling na aktor ng bawat artistang  kasali sa palabas lalung-lalo na kay Fassbender na nabigyang hustisya ang kaniyang karakter bilang isang aroganteng CEO ng Apple.

Ang mga komprontasyon ay parang musika sa tainga na masarap pakinggan. Punong-puno ng emosyon, damang-dama ang pinanggagalingan ng bawat isa, buong-buo ang tensyon. Magaling ang pagkakasulat sa mga binibitawang dialogue ng mga bida at ang bawat dialogue ay maganda ang pagkakabitaw. Hangang-hanga ako sa buong cast, lahat ay nagbigay ng perpektong pagsasabuhay sa bawat karakter. Hindi ko man kakilala ang mga taong ginampanan ng bawat isa ay alam kong nagpamalas sila ng kaniya-kaniyang galing para sa pelikula.

Sa totoo lang, bukod sa nominasyon bilang Best Actor kay Fassbender at Best Supporting Actress kay Winslet sa Academy Awards ay karapat-dapat din itong magkaroon ng nominasyon sa Best Picture category. Para sa akin, isa ang Steve Jobs sa mga palabas noong 2015 na kinakailangang bigyang papuri.


No comments:

Post a Comment