Search a Movie

Saturday, March 12, 2016

Goosebumps (2015)

Poster courtesy of IMP Awards
© Columbia Pictures
6 stars of 10
★★★★★★ ☆☆☆☆

Starring: Jack Black, Dylan Minnette, Odeya Rush
Genre: Adventure, Comedy, Family, Fantasy
Runtime: 1 hour, 43 minutes

Director: Rob Letterman
Writer: Darren Lemke, Scott Alexander, Larry Karaszewski, R. L. Stine (novel)
Production: Columbia Pictures, LStar Capital, Original Film, Scholastic Entertainment, Sony Pictures Animation, Village Roadshow Pictures
Country: USA


Bagong salta si Zach Cooper (Dylan Minnette) at ang kaniyang ina sa maliit na bayan ng Madison, Delaware. Sa paglipat na ito makikilala ni Zach ang kanilang kapit-bahay na si Hanna (Odeya Rush) at ang kaniyang istriktong ama na palaging mainit ang ulo na si Mr. Shivers (Jack Black).

Simula pa lang ay pinagsabihan na ni Mr. Shivers na huwag pakialaman ni Zach ang kaniyang pamilya. Dahil interesado kay Hanna, hindi nito sinunod ang utos ni Mr. Shivers at kinaibigan ang dalaga. Hindi naglaon ay aksidenteng madidiskubre ni Zach ang katagu-tagong sikreto ng pamilya ni Hanna. Dito magsisimulang mabulabog ang bayan ng Madison ng mga kababalaghang tanging si Mr. Shivers lang ang makakatapos.

Kung kinalakihan mo ang pagbabasa sa mga libro ni Stine na Goosebumps ay malaki ang tiyansang magugustuhan mo ang pelikulang ito dahil dito'y mabibigyang buhay ang mga karakter na dati'y sa libro mo lang nakilala. Subalit kung katulad mo akong sa isang libro lang pamilyar at ni hindi na masyadong naalala ang kuwentong binasa ay may chance parin namang magustuhan mo ito bilang isang palabas na magbibigay ng nakakatuwang karanasan sa mga manonood.

Ang problema lang sa pelikula ay maraming kaganapan sa palabas na hindi na pinag-aksayahan ni Rob Letterman na bigyan ng paliwanag o gawin man lang na kapani-paniwala para sa mga manonood, katulad ng libro ni Slappy na nagbukas mag-isa o yung twist na ginawang panggulat sa dulo. Lahat ng ito'y lumabas na plothole sa kaniyang pelikula at ito ang dahilan kung bakit hindi ganoon kataas ang ibinigay kong rating dito. 

Sa mga bidang aktor, sakto lang naman ang mga pagganap nila sa kaniya-kaniyang karakter. Pangkaraniwan lang ang galing at wala masyadong gaanong kakaiba na kailangang bigyan ng pansin. Siguro si Jack Black lang na mahirap seryosohin sa mga eksena kung saan seryoso ang kaniyang karakter. Nasanay na ako sa kaniya bilang isang komedyante at sa bawat eksena kung saan seryoso siya ay umaasa akong magbibigay siya ng joke o anuman na magbibigay ng katatawanan ngunit wala. Iba ito sa karaniwang pelikula niya kung saan minu-minuto ay nagbibigay siya ng punchlines.

Visually ay may appeal naman ang Goosebumps, pasado na rin ang mga bida dahil sa pagkakaroon nila ng good looks , maganda naman silang tignan sa screen maliban na lang sa nakaka-iritang karakter ni Ryan Lee o si Lee mismo. Maganda rin ang konsepto nito na pagsama-samahin ang iba't-ibang halimaw sa iisang pelikula na parang sa Cabin in the Woods (2012). Pwede itong panoorin ng buong pamilya kahit na medyo tabingi ang kuwento, magbibigay parin naman ito ng entertainment kahit papaano.


No comments:

Post a Comment