Search a Movie

Tuesday, March 15, 2016

#WalangForever (2015)

Poster courtesy of Wikipedia
© Quantum Films
6 stars of 10
★★★★★★ ☆☆☆☆

Starring: Jennylyn Mercado, Jericho Rosales
Genre: Comedy, Drama, Romance
Runtime: 1 hour, 40 minutes

Director: Dan Villegas
Writer: Paul Sta. Ana, Dan Villegas (story), Antoinette Jadaone (story)
Production: Quantum Films, Tuko Film Productions
Country: Philippines


Matapos ang sunod-sunod box office success ng mga pelikulang kaniyang isinulat, ngayon ay hirap nang makagawa ng panibagong istorya ang screenwriter na si Mia Nolasco (Jennylyn Mercado) matapos siyang humarap sa isang matinding break-up mula sa kaniya sana'y mapapangasawang si Ethan Isaac (Jericho Rosales). Mas lumala pa ang sitwasyon nang malaman nitong ang dating nobyo na siyang naging inspirasyon nito sa paggawa ng mga kuwentong pag-ibig ay muling nagbabalik sa kaniya ngayong bitter na buhay.

Ang buong pelikula ay pagigitnaan ng mga serye ng mahahabang flashbacks upang ipakita sa mga manonood kung gaano kaganda ang naging buhay nila Mia at Ethan bago pa man mangyari ang kasalukuyan. Dito natin matutunghayan kung paano nagkakilala ang dalawa, paano sila nagka-developan, nagkatuluyan at kung papaanong nauwi sa hiwalayan ang inakalang "forever" nilang pag-iibigan. 

Iyon ang unang parte ng palabas. Ito ang ginawang kasangkapan ni Dan Villegas upang madama rin ng mga manonood ang emosyong ramdam ng mga bida sa palabas. Sa pangalawa parte naman papasok ang tunay na kuwento kung saan muling magtatagpo ang landas ng dating magkasintahan na susubukang ayusin ang buhay na sinira ng dati nilang pagsasama. Sa parteng ito ay bumilis na ang takbo ng mga pangyayari, maging sa pangatlo at huling parte kung saan ipapakilala na ang twist ng kuwento.

Maganda ang istorya na nais ipakita ng #WalangForever ngunit ang naging problema nito ay hindi ganoong kahusay ang pagkakasulat sa mga bida. Katulad ng karakter ni Mercado, hindi mo makapa kung saan nanggagaling ang hugot ni Mia, kung bakit siya bitter sa ex-boyfriend niya kung sa simula'y siya naman ang dahilan ng lahat. Minsan ay nakaka-inis na rin ang pagsusungit niya. Cliché na rin ang biglang pagsingit sa "twist" na siyang kinauwian ng karakter ni Rosales, nakita ko na ito sa iba't-ibang hollywood romance films subalit kahit papaano naman ay may naiwan itong impact sa akin bilang manonood.  

Ang naging saving grace na lang siguro dito sa pelikula ay ang husay nila Mercado at Rosales sa pag-arte. Ipinadama nila sa mga manonood ang drama ng buhay ng kanilang ginagampanan. Kung tutuusin ay hindi dapat ito binansagang romantic-comedy dahil ang mga supporting cast lang naman ang nagbigay ng komedya sa palabas. Ang mga bida ay purong dramahan ang ipinamalas. Sa kinauwian ng kuwento nito, ang nararapat na genre para sa pelikula ay romance para sa kilig na hatid ng pag-iibigan nila Mia at Ethan at drama naman para sa naging kuwento ng dalawa.


No comments:

Post a Comment