6 stars of 10
★★★★★★☆☆☆☆
Starring: Vic Sotto, Ai-Ai de las Alas, Alden Richards, Maine Mendoza
Genre: Comedy, Romance
Runtime: 107 minutes
Director: Jose Javier Reyes
Writer: Jose Javier Reyes, Bibeth Orteza
Production: APT Entertainment, M-Zet Productions, OctoArts Films
Country: Philippines
Unang pagkikita pa lang ay agad nang nagkaroon ng aso't pusang relasyon ang parehong events manager sa magkalabang kompanya na sina Vito Carillo (Vic Sotto) at Corazon "Cora" Talatala (Ai-Ai de las Alas) nang muntik nang masagasaan ng driver ni Vito si Cora isang araw. Simula noon ay hindi na nagkasundo ang dalawa.
Kaya naman isang araw nang malamang unti-unti nang nagkakamabutihan sa isa't-isa ang anak ni Vito na si Anna Carillo (Maine Mendoza) at pamangkin ni Cora na si Dondi Talatala (Alden Richards) ay nagsanib-pwersa ang dalawa sa kabila ng kanilang alitan upang paghiwalayin ang dalawang bata. Ngunit sa paglalaro ng tadhana, si Cora naman ngayon ang nahulog kay Vito at ganoon din si Vito kay Cora. Nang malaman ito nila Anna at Dondi ay sila naman ngayon ang sumalungat sa relasyon na ito.
Unang eksena pa lang ay nagkakalat na si Ai-Ai de las Alas at ang kaniyang nakaka-iritang boses sa pelikula. Hindi nakakatuwa at nakakatawa ang pag-iingay niya sa halos lahat ng kaniyang eksena. Mabuti na lang at kabaligtaran nito si Vic Sotto na tahimik lang ang isitlo sa pagpapatawa.
Samantala, ang baguhang si Maine Mendoza naman ay may kaunting awkwardness pa sa paraan niya ng pag-arte ngunit pasado na siya pagdating sa pagbibigay ng katatawanan. Kaya niyang magpatawa kahit na hindi pa gaanong hasa ang kaniyang acting skills na napapansin tuwing ka-eksena niya si Alden Richards na sanay na sa aktingan.
Noong una, dahil isiningit lang ang tambalan nila Alden at Maine sa pelikula ay hindi na ako umasa ng magandang storyline ngunit nagulat ako dahil mayroon naman itong disenteng kuwento at malaki ang ginampanan ng mga karakter nila sa kabuuan ng pelikula. Sa totoo lang, inakala ko na ang AlDub ang magdadala sa pelikula ngunit mali ako dahil kinulang sila sa kilig moments. Kung sa telebisyon ay umaapaw ang dalawa sa pagbibigay kilig, hindi nila ito nadala sa big screen.
Ang mga beteranong sina Vic at Ai-Ai ang nagdala sa sarili nilang pelikula. Kapag nasanay ka na sa pag-iingay ni Ai-Ai ay tiyak na magugustuhan mo na ang tandem nilang dalawa ni Vic. Iyon lang, hindi parin naalis ang mga endorsements ng iba't-ibang brand sa pelikula na halatang-halata parin ngunit hindi na gaya ng dati na parang nagsingit sila ng isang buong commercial para mag-promote.
Hindi man ganoong katibay ang kuwento ng My Bebe Love: #KiligPaMore ay disente ito at maayos kung ikukumpara sa nakaraang MMFF entires na pinagbibidahan ni Sotto. Makapagbibigay ito ng katatawanan ngunit hindi mag-iiwan ng impact na siyang karaniwang ibinibigay ng isang maganda at dekalidad na pelikula.
Poster courtesy of IMDb.
No comments:
Post a Comment