Poster courtesy of IMP Awards © DC Entertainment |
★★★★★★★★ ☆☆
Starring: Ben Affleck, Henry Cavill, Gal Gadot, Ezra Miller, Jason Momoa, Ray Fisher
Genre: Action, Fantasy, Sci-Fi
Runtime: 2 hours
Director: Zack Snyder
Writer: Chris Terrio, Joss Whedon, Zack Snyder (story), Gardner Fox (comics)
Production: Atlas Entertainment, Cruel & Unusual Films, DC Comics, DC Entertainment, Dune Entertainment, Lensbern Productions, Warner Bros.
Country: USA
Ang istorya ng Justice League ay iikot matapos ang pagkamatay ni Superman (Henry Cavill) kung saan isang panibagong kalaban na naman ang nagbabalik sa tangkang pagsakop sa buong sanlibutan. Tatlong mother boxes ang kinakailangan ni Steppenwolf (Ciarán Hinds) upang mabuo ang kaniyang pinaplano. Ang tatlong mother boxes na ito ay hawak ng mga Amazons, Atlanteans at ang mga tao. At sa paghahanap ni Steppenwolf sa mga naturang boxes ay ilang nilalang ang nalagay sa panganib.
Sa pagkawala ni Superman ay hinimok ni Batman (Ben Affleck) ang tulong ni Wonder Woman (Gal Gadot) upang makabuo ng isang grupong haharap kay Steppenwolf. Ito ang Justice League na binubuo nila The Flash (Ezra Miller), Aquaman (Jason Momoa) at Cyborg (Ray Fisher). Ngunit sa unang sabak nila sa pakikipagbakbakan kay Steppenwolf ay hindi kinaya ng lima ang lakas nito kaya naman ang natitirang paraan na lang upang madagdagan ang kanilang puwersa ay ang muling pagkabuhay ni Superman. Sa tulong ng mother box na hawak ng mga tao ay susubukang ibalik ng grupo ni Batman ang buhay na nawala mula kay Superman.
Sa mga tipikal na superhero movies, wala na tayong ibang aasahan dito kundi ang iisang cliché na storyline kung saan kinakailangang iligtas ng mga naturang superhero ang mundo mula sa panganib na dulot ng isang kalaban. At hindi exception dito ang Justice League. Ang kaibihan nga lang nito ay hindi lang iisa ang superhero sa palabas bagkus ay anim sila na hindi na rin bago sa big screen dahil ginawa na ito ng ibang movie production anim na taon na ang nakakalipas.
Sa mga ganitong pagkakataon kung saan ang karaniwang plot ay recycled na ay sa mga visual effects, characters at action sequences na lang sila bumabawi at nagawa naman ito ng Justice League. Ang naging edge ng pelikula ay likable ang mga bida nito, hindi lahat, ngunit karamihan ay madali lang magustuhan katulad ng kenkoy na si The Flash, ang astig na si Aquaman at siyempre ay si Wonder Woman.
Nakabawi sa palabas na ito si Superman kahit na hindi gaanong nakamamangha ang paraan ng muling pagkabuhay nito. Ipinakita niya dito sa palabas kung sino ang tunay na malakas at sa pagdating niya ay nagkaroon ng dagdag excitement ang mga sumunod na eksena. Sa kabilang banda ay nagmukha namang weak si Batman at lumabas na taga-suporta lang siya sa mga tunay na superhero. Mabilis siyang naungasan nila The Flash at Aquaman na sa ngayon ay wala pang sariling pelikula.
Magaganda ang aksyon na ipinakita dito sa Justice League at isa sa mga nagustuhan ko ay ang naging team-up nila Aquaman at Wonder Woman sa paglaban kay Steppenwolf. Pagdating naman sa visuals, nagustuhan ko ang costume ng mga superhero kahit na medyo nasobrahan sa CGI ang pelikula at nagmukhang out of this world ang naging setting ng climax.
Promising ang naging simula ng Justice League at bumagay ang mga aktor na gumanap sa mga kani-kanilang superhero character. Nakapagbigay ito ng excitement para sa mga manonood upang abangan ang mga susunod pang pelikula na magmumula sa DC Extended Universe lalo na sa mga maidaragdag pang karakter. At muntik ko nang makalimutan, sa kanilang lahat ay si Cyborg ang may pinaka-forgettable appearance. Hindi maganda ang pagkakasulat sa kaniyang karakter at hindi nakaka-agaw ng interes.
No comments:
Post a Comment