Search a Movie

Sunday, May 19, 2024

Road Trip (2024)

7 stars of 10
★★★★★★★ ☆☆☆

Starring: Janice de Belen, Gelli de Belen, Carmina Villaroel, Candy Pangilinan
Genre: Comedy, Drama
Runtime: 1 hour, 48 minutes

Director: Andoy Ranay
Writer: Candy Pangilinan
Production: Viva Films
Country: Philippines


Matapos mamatay ang isa sa mga kaibigan nila ay muling nagkita-kita ang apat na high school friends matapos ang mahabang panahon para tuparin ang pangarap nila noong kabataan nila na maakyat ang Mount Pulag.

Sa kalagitnaan ng biyahe ay mababalikan nila ang nakaraan at kung paano sila unti-unting nagkahiwalay at nagkaniya-kaniya ng landas. Dito ay muling maibabalik ang dati nilang pagkakaibigan na pinaglayo ng panahon.

Sa simula, kahit na real-life friends ang mga bida nitong sina Janice de Belen, Gelli de Belen, Carmina Villaroel at Candy Pangilinan ay para bang hindi natural ang naging pag-arte nila. Ito'y dahil sa script na hindi masyadong maayos ang pagkakasaulat. Gumanda rin naman ito kalaunan at makakapag-adjust ka rin sa grupo lalo na kapag nasanay ka na sa kaniya-kaniyang dynamics ng mga karakter.

Maganda naman ang naging road trip nila na siyang naging tema ng palabas. Kinulang lang ito ng aksyon sa ilang parte. Maganda sana na bawat issues ng isa't isa ay unti-unting inalabas sa kabuuan ng road trip na nagawa naman nila sa simula pero sa kalagitnaan nito ay bigla na lang lumamylay ang takbo ng istorya. Pagdating sa dulo, kung saan nasa bundok na sila, ay isang bagsakan na nilang inilabas ang lahat. Masyadong naging mahaba ang eksena nilang 'yon sa puntong mahirap nang i-proseso ang lahat ng problemang binabanggit sa screen. May punto nga na habang nasa climax na ay napatingin pa 'ko sa cellphone ko habang nakikinig sa mga litanya ng mga karakter.

Ang hinangaan ko sa pelikula ay ang twist nito. Napanganga ako sa nakatagong pasabog ng palabas. Hindi ko inaasahan ang kinalabasan nito lalo na't marami na palang foreshadowing na ipinakita sa buong pelikula. May isang eksena akong napansin sa may CR (sa eksena ni Carmina at Gelli) na napatanong ako pero hindi ko na idi-detalye para hindi kayo ma-spoil. Ganoon pa man, nagulat pa rin ako sa twist nito. Dahil dito ay mas naging emotional ang ending ng palabas at mas damang-dama ko ang nararamdaman ng mga bida dahil parang ipinaramdam din sa'yo ang pinagdaan nilang friendship.

Pahabol lang, kinulang din pala ako sa ginamit na rason kung bakit gustong mamatay ng isa sa kanila gayong parang wala naman sa karakter niya ang gumawa ng gano'n.


© Viva Films

No comments:

Post a Comment