★★★★★★★ ☆☆☆
Starring: Krystle Valentino, Miggs Cuaderno
Genre: Drama
Runtime: 1 hour, 33 minutes
Director: Carlo Obispo
Writer: Carlo Obispo
Production: Rough Road Productions, Cinemalaya Foundation
Country: Philippines
Ang kuwento ng Purok 7 ay iikot sa buhay ng dalawang batang magkapatid na sina Diana (Krystle Valentino) at Julian (Miggs Cuaderno) na naninirahan sa isang liblib na lugar sa probinsya. Sa gitna ng payak nilang pamumuhay, ipapakita ng pelikula kung papaano nila matutuklasan ang karahasan ng mundo sa murang edad. Sa kabila nito, sabay na haharapin ng magkapatid ang araw-araw na hamon ng buhay sa kabila ng kawalan nila ng magulang na sumusuporta sa kanila.
Isa sa mga pinakamatingkad na aspeto ng pelikula ay ang galing ng pag-arte ni Valentino na nagpakita ng lalim at kontrol sa kanyang karakter. Isa siya sa mga inabangan ko sa palabas dahil napaka-natural niya. Kasama si Cuaderno, nabuo nila ang isang natural at epektibong tambalan na mas nagpapalalim sa emosyon ng pelikula. Kung may masasabi man akong iba ay medyo nakulangan ako sa chemistry sa pagitan nila Valentino at Julian Trono na hindi naman gaanong nakaapekto sa panonood ko.
Nakakalungkot ang naging kuwento ng magkapatid na hindi malayong mangyari sa totoong buhay. Isa itong masalimuot na salamin ng mga batang napipilitang talikuran ang kanilang pagkabata nang wala sa oras para lang mabuhay ang kanilang sarili. Sa halip na magkaroon ng masaya at malayang pagkabata, ipapakita rito ang realidad na maraming kabataang Pilipino ang kailangang harapin ang mabibigat na hamon ng buhay sa kanilang murang edad.
Isinasabuhay ng mga bida ang totoong pinagdadaanan ng mga mahihirap at kung paanong sa kabila ng araw-araw na pakikibaka nila, hindi pa rin sila lubos na nasusuportahan ng sistemang dapat sana'y kakampi nila. Sa pamamagitan ng mga simpleng tagpo at makatotohanang eksena, tatalakayin ng pelikula ang mga karaniwang dinaranas ng mga Pilipino. Ang pelikulang ito ay isang paalala kung gaano kahalaga ang malasakit, lalo na sa mga tinig na madalas ay hindi napapansin.
© Rough Road Productions, Cinemalaya Foundation
No comments:
Post a Comment