Search a Movie

Monday, July 21, 2025

Ulan (2019)

6 stars of 10
★★★★★★ ☆☆☆☆

Starring: Nadine Lustre, Carlo Aquino
Genre: Drama, Fantasy, Romance
Runtime: 1 hour, 36 minutes

Director: Irene Villamor
Writer: Irene Villamor
Production: Viva Films
Country: Philippines


Si Maya (Nadine Lustre) ay isang batang babae na lumaki sa ilalim ng pangangalaga ng kaniyang lola na mahilig magkuwento ng mga alamat. Isa sa mga kuwentong nanatili sa kaniyang isipan hanggang sa kaniyang pagtanda ay ang tungkol sa mga ikinakasal na tikbalang na hindi maaaring magmahalan kaya nagkakaroon ng pag-ulan habang umaaraw.

Bata pa lang ay naniniwala na si Maya sa kapangyarihan ng pag-ibig. Ngunit ang paniniwala niyang ito ay masisira sa kaniyang pagtanda matapos siyang dumaan sa sunod-sunod na heartbreak na siyang bumasag sa kaniyang puso. Matapos ang ilang ulit na bigong relasyon, sinubukan niyang umiwas sa pag-ibig at ituon na lang ang sarili sa trabaho. Hanggang sa dumating si Peter (Carlo Aquino), isang lalaking may malasakit sa kapwa at tahimik na personalidad. Unti-unti ay bubuksan muli ni Maya ang kaniyang pinto para maranasan ulit ang saya na dulot ng pag-ibig.

Isang bagong timpla ang inihain ng Ulan kung saan hinaluan nila ng Pinoy folklore ang isang tipikal na love story. Bagamat sariwa at malikhain ang konsepto nito, may ilang parte ang pelikula na magulo ang pagkaka-establish. Katulad na lang sa karakter ni Maya, isa siyang dalaga na hopeless romatnic kung gumalaw pero pinapalabas ng pelikula na bitter siya pagdating sa pag-ibig. Mahirap paniwalaan ang pagiging bitter niya dahil pahapyaw lang ang pagbanggit sa naging huli niya relasyon. Hindi ganap na naipaliwanag kung bakit ganoon ang kaniyang pananaw sa pag-ibig kaya’t parang bitin ang pagkakakilala sa karakter niya.

May ilang eksena rin na medyo mahirap basahin at unawain, lalo na ang personification ng bagyo. Hindi naging malinaw kung ano ba talaga ang simbolismo nito sa kabuuan ng kuwento at kung anong aral ang nais nitong iparating. Para bang napaka-random ng eksenang 'yon lalo na't iba ang naging definition nila sa ulan sa simula ng kuwento. Sa kabila nito, kahanga-hanga ang pagkakabuo ng love story ng dalawang pangunahing tauhan. Natural ang kanilang chemistry at nakakakilig ang mga eksena nila. May mga twist at conflict din na hindi ko inaasahan na siyang nagbigay na lalim sa kuwento. Medyo kinulang lang ang pelikula pagdating sa CGI at practical effects na para bang wala na silang budget para do'n pero hindi naman ito gaanong naging issue para sa akin.

Sa huli, pinapatunayan ng Ulan na hindi lahat ng pag-ibig ay kailangang magtapos sa isang masayang wakas. Minsan, ang tunay na halaga ng pag-ibig ay hindi nasusukat sa kung sino ang kasama mo sa dulo kundi sa mga aral na iniwan nito sa iyong paglalakbay.


© Viva Films

No comments:

Post a Comment