Search a Movie

Monday, July 7, 2025

Bambanti (2015)

8 stars of 10
★★★★★★★★ ☆☆

Starring: Alessandra de Rossi, Micko Laurente
Genre: Drama
Runtime: 1 hour, 30 minutes

Director: Zig Dulay
Writer: Zig Dulay
Production: Solar Entertainment, Centerstage Productions, Sinag Maynila
Country: Philippines


Isang byuda na hindi nabiyayaan ng marangyang buhay si Belyn (Alessandra de Rossi). Nakatira siya sa isang bukirin sa Isabela kasama ang tatlo nitong anak at ang kanilang lola. Para maibigay ang mga pangangailangan ng mga anak ay naglalaba si Belyn sa bahay ng mayaman nilang kamag-anak na si Martha (Shamaine Buencamino).

Habang naglalaba kina Martha kasama ang anak nitong si Popoy (Micko Laurente) ay isang relo ang makikita ni Belyn sa bulsa ng isa sa mga damit na kaniyang nilalabhan. Isang araw, mawawala ang naturang relo at ang sisisihin ng pamilya ni Martha na kumuha nito ay si Popoy  na umaali-aligid sa relo noong huli itong nakita.

Ang Bambanti ay isa sa mga pelikulang Pilipino na nagkaroon ng tama sa puso ko dahil sa napaka-natural nitong pagsasalaysay ng buhay sa probinsya. Isa itong tahimik ngunit malalim na komentaryo sa kung paano kadaling mapagbintangan ang mga mahihirap na katulad ni Belyn dahil lang sila ang mas nangangailangan. Isa itong nakakalungkot na realidad dahil sa mundong kontrolado ng mga may kaya, ang isang maliit na chismis ay sapat na para gibain ang pagkatao ng isang pamilya.

Namangha ako sa galing ng mga pangunahing bida na sina de Rossi at Laurente. Hindi lang nila ginampanan nang maayos ang mga karakter nila kundi na-capture din nila ang buong essence ng pagkakaroon ng buhay sa probinsya  ang hirap, ang sakripisyo at ang dignidad na pinanghahawakan nila sa gitna ng mga panghuhusga.

Isa sa mga elemento ng pelikula na ikinatuwa ko ay ang malinaw at tuluy-tuloy na paggamit nila sa salitang Ilocano kahit na ang mga bumida rito ay hindi mula sa naturang lugar. Natural ang naging accent at delivery nila na halatang pinaghandaan. Patunay lang ito na nirerespeto nila ang mga karakter na kanilang kinakatawan.

Maganda rin ang naging daloy ng kuwento. Mayroon itong malinaw na simula, pag-usbong ng tensyon at isang makatarungang resolusyon na realistic at hindi exaggerated. Maayos ang pagkaka-establish sa bawat karakter, malinaw ang kanilang layunin at lahat sila ay may lalim at silbi sa pelikula. Isa rin sa mga nagustuhan ko ay ang pagpapakita ng kabutihan ng ilang karakter sa simula, ngunit kalaunan ay lumabas din ang tunay nilang ugali nang masangkot na ang pamilya nila sa isang problema. Ipinapaalala lang ng pelikula na hindi lahat ng mabait ay nananatiling mabait lalo na kapag sariling pamilya na ang nakataya.

Sa pelikulang ito mo mapapatunayan na ang chismis ay parang apoy. Kapag kumalat ay mahirap na itong patayin lalo na kung ito ay nakaugat sa paniniwalang ang mga mahihirap ang laging may sala. Dito naging makapangyarihan ang Bambanti dahil ipinakita nito ang tunay na epekto ng panghuhusga at paninira, hindi sa paraang pa-drama, kundi sa makatotohanan at masakit na paraan.

Sa kabuuan, ang Bambanti ay isang payak ngunit napakalalim na pelikula. Tumagos ito sa puso ko dahil hindi lang ito kuwento ng isang ina at anak kundi kuwento ito ng mga tao na nasa laylayan na patuloy na lumalaban para sa kanilang dignidad kahit na ang mundo ay hindi patas sa kanila.


© Solar Entertainment, Centerstage Productions, Sinag Maynila

No comments:

Post a Comment