Search a Movie

Tuesday, July 8, 2025

The Diplomat Hotel (2013)

2 stars of 10
★★ ☆☆☆☆☆☆

Starring: Gretchen Barretto, Art Acuña
Genre: Horror
Runtime: 1 hour, 26 minutes

Director: Christopher Ad. Castillo
Writer: Christopher Ad. Castillo
Production: Quantum Films, GMA Pictures
Country: Philippines


Dating tanyag na TV reporter si Veronica (Gretchen Barretto) na nawalan ng kredibilidad matapos siyang masangkot sa isang hostage crisis na nauwi sa matinding karahasan sa kalagitnaan ng isang live broadcast. Ang pangyayaring 'yon ang naging dahilan kung bakit nagkaroon siya ng mental breakdown.

Isang taon ang lumipas, sa kagustuhang makabalik sa dati nitong trabaho, tatanggapin ni Veronica ang assignment na ibinigay sa kaniya kung saan ay kailangan niyang gumawa ng documentary tungkol sa sikat na haunted hotel sa Baguio — ang Diplomat Hotel na pinamamahayan ng sari-saring kuwento ng kababalaghan at madilim na kasaysayan. Kasama ang kaniyang crew, papasukin nila ang naturang lugar na walang kaalam-alam sa kung anong klase ng kapahamakan ang dulot nito sa sari-sarili nilang pagkatao.

Title pa lang ng palabas, tiyak na isang salita agad ang papasok sa isipan ng karamihan — katatakutan. Sikat ang Diplomat Hotel dahil sa mga iba't ibang kuwento ng kababalaghan na pumapalibot sa lugar. Kaso nga lang, hindi ito nagamit ng pelikula. Sinayang ng palabas ang pagkakataon na gamitin ang lugar para makapagbigay ng isang makapanindig-balahibong pelikula.

Una sa lahat, walang solidong structure ang kuwento nito. Mahirap sundan ang storyline dahil kalat-kalat ang daloy ng mga pangyayari. Parang pinilit nilang pagsamahin ang psychological thriller at supernatural horror pero sa huli, hindi naging epektibo ang alinman sa dalawa. Kung sana'y ginamit na lang nila ang mga real-life stories patungkol sa lugar ay mas nakapanakot pa sana sila ng mga manonood.

Kung may isang bagay man akong puwedeng purihin sa palabas, iyon ay ang artistic cinematography nito. Magaganda ang shots, very cinematic at may sariling karakter ang visuals. Ngunit sayang dahil kahit gaano pa ito kaganda, hindi nito nailigtas ang kabuuan ng pelikula.

Ang mga karakter, lalo na ang bida, ay hindi nabigyan ng sapat na background. Halimbawa, may nabanggit tungkol sa kulto pero hindi ito na-develop o naipaliwanag nang maayos. Maging ang mga nangyari sa kanila sa loob ng Diplomat Hotel ay kulang sa paliwanag. Walang malinaw na dahilan kung bakit sila nagkakagano'n. Wala silang ibinigay na context at wala itong sapat na build-up kaya ang ending ay nalito ako sa pinapanood ko.

Sa pagganap naman, nakakadismaya ang naging performance ni Barretto. Sa isang pelikulang nangangailangan ng lalim at emosyon, tila kulang sa commitment at naturalidad ang kaniyang pag-arte. Nakakahiya ito lalo na’t kasama niya sa pelikula ang mga beteranong sina Mon Confiado at Joel Torre na parehong nakapagbigay ng mahusay na performance. 

Ang pinakamalaking problema ng pelikula ay ang dami ng subplots nito na hindi naresolba. Marami silang inilatag na linya ng istorya pero wala namang nangyaring closure. Sa halip na masagot ang mga tanong ng manonood, mas nadagdagan pa ito ng maraming katanungan. Nasayangan ako sa palabas na 'to dahil napakaganda ng kanilang lokasyon. Magaling din ang ilang supporting characters nito at nakuha ng pelikula ang tamang atmosphere ng isang horror movie. Kaso nga lang, hinila ito pababa ng bida at ng kawalan ng direksyon ng kuwento.


© Quantum Films, GMA Pictures

No comments:

Post a Comment