★★★★ ☆☆☆☆☆☆
Starring: Chai Fonacier, Edgar Allan Guzman
Genre: Comedy
Runtime: 1 hour, 45 minutes
Director: Jay Abello
Writer: Alpha Habon, Rod Marmol
Production: Quantum Films, MJM Productions, Epic Media
Country: Philippines
Isang tipikal na Pinay beauty si Annie (Chai Fonacier) na pangarap magkaroon ng maputing balat, matangos na ilong at malaking dibdib katulad ni Snow White. Para makamit niya ang ideal look na ito ay plano niyang sumailalim sa operasyon para na rin matuloy ang trabahong inaasahan niya sa Disneyland.
Ang problema, ang perang gagastusin ni Annie sa operasyon ay nagmula sa isang loan shark na pinagtatrabahuhan ng kaniyang boyfriend na si Migs (Edgar Allan Guzman). Para hindi malagay sa panganib ang buhay nito, kinakailangang maibalik ni Migs ang 180 thousand pesos na kinuha niya o hindi kaya'y kailangan niyang makagawa ng paraan para maka-date ng naturang loan shark si Lovely (Maxine Medina), isang sikat na artista.
Ang layunin ng pelikula ay para ipakita ang pressure na nararanasan ng mga Pilipina pagdating sa pamantayan ng kagandahan. Naiparamdam naman nila ito sa pamamagitan ng bida pero ang problema ay kung papaano nila hinandle ang issue na ito. Pagdating sa dulo ay para bang gina-gaslight na lang ng lahat si Annie na tanggapin kung ano ang itsura niya. Hindi na nila binigyan ng halaga ang kagustuhan niyang gumanda o maging ang insecurity na nararamdaman niya. Para bang nais iparating ng pelikula na wala tayong karapatang pagandahin o ayusin ang itsura natin dahil tanggap naman tayo o maganda na ang tingin sa atin ng ibang tao kahit na sa sarili natin ay alam nating may kulang pa.
Sa comedy nag-focus ang pelikula kaya kung anu-anong pakulo na lang ang ginawa nila sa palabas para ma-stretch ang kuwento nito. May mga subplots na hindi ko mawari kung bakit siya kasama sa narrative dahil wala naman itong naidulot sa main plot katulad na lang ng mga sakrpisyong ginawa ng mga kaibigan ni Migs para matulungan siya na kalaunan ay tila ba bigla na lang kinalimutan at hindi man lang nabigyang pansin.
Pagdating sa third act ng palabas, naging makalat na ang istorya. Para bang hindi na alam ng writer kung anong gagawin niya sa mga karakter para magkaroon ng resolution ang istoryang binuo niya. Sa huli, naging predictable ang ending nito para lang mapatunayang hindi na kailangan baguhin ng isang tao ang itsura niya para lang maging masaya. Pagkatapos no'n ay kinalimutan na nila ang main conflict — tungkol sa perang kailangang mabayaran. Bigla na lang nawala ang problemang 'yon sa katapusan porket masaya na ang bida.
Sa kabila ng pagiging makalat ng istorya, magaling ang mga nagsiganapang artista sa palabas na ito lalo na ang dalawang bida na sina Fonacier at Guzman. Maganda rin ang naging chemistry ni Guzman sa supporting cast na siyang pinagmulan ng humor ng Pinay Beauty. Siguro, ang naging weakest link lang sa cast ay si Medina na kapag hinairap sa mga co-actors niya ay kitang-kita ang kawalan nito ng talento pagdating sa pag-arte.
Maganda ang premise ng pelikula pero hindi ito nabigyan ng maayos na storyline. Kung may isang aral man na maaaring mapulot mula rito, ito ay ang simple ngunit mahalagang paalala: “Maging totoo ka sa iyong kapareha.” Bagamat hindi ito kasing lalim ng ipinipilit na aral ng palabas tungkol sa identity at beauty standards, sapat na ito para mag-iwan ng munting pananaw sa mga manonood.
© Quantum Films, MJM Productions, Epic Media
No comments:
Post a Comment