★★★★★★ ☆☆☆☆
Starring: JM de Guzman, Rhian Ramos
Genre: Drama, Romance
Runtime:
Director: Joel Ruiz
Writer: Aloy Adlawan, Joel Ruiz
Production: TBA Studios, Tuko Film Productions, Buchi Boy Entertainment, Arkeofilms
Country: Philippines
Dahil sa sakit nitong prosopagnosia o face blindness, isang neurological disorder kung saan ay hirap siyang makakilala ng mukha kahit na sarili pa nitong pamilya, mas pinili na lang ng binatang si Lio (JM de Guzman) na dumistansya sa mga tao at umiwas sa relasyon para sa mas tahimik na buhay.
Subalit ang buhay na nakasanayan ni Lio ay biglang magbabago sa pagdating ng dalagang si Shana (Rhian Ramos). Sa kabila ng pinagdadaanang kondisyon, makabubuo sina Lio at Shana ng malalaim na koneksyon na mauuwi sa pag-iibigan. Ngunit ang pag-iibigan nilang 'yon ay malalagay sa alanganin dahil sa magkaibang mundo na nakagisnan ng dalawa.
Ang Kung Paano Siya Nawala ay isang simple ngunit matapang na pagsilip sa isang uri ng pag-ibig kung saan ay matatalakay ang takot at ilang trauma ng isang tao. Isa sa mga pinakamalalakas na aspeto ng pelikula ay ang natural na batuhan ng linya ng mga karakter. Parang wala silang script na sinusunod. Hindi pilit, hindi OA at ramdam mong tunay ang mga emosyon ng mga karakter sa bawat eksena.
Maganda ang naging chemistry nina de Guzman at Ramos. Maayos kasi na nabuo ang koneksyon ng mga karakter nila. Hindi nila ito minadali at mas pinili nila na kusa itong magkaroon ng spark. Pagdating naman sa acting department, pareho silang nakapagbigay ng maayos na performance.
Ganoon pa man, kung ang storyline na ang pag-uusapan ay mayroon akong ilang komento na hindi kagandahan ukol dito. Dahil sa kakaibang titulo ng palabas, umaasa ako ng magandang rason "kung papaano siya nawala" kaso ay nakulangan ako sa naging sagot doon. Tipikal na para sa 'kin ang naging dahilan kung bakit nawala ang isang karakter. Nagawa na ito ng ibang pelikula kaya hindi na ito bago at gaanong nakakagulat. Para sa isang pelikulang may kakaibang premise, sana'y mas naging daring din pa sana ang twist na inihanda nila para sa kuwento.
Sa kabuuan, kahanga-hanga na natalakay nila rito ang tungkol sa avoidant attachment issue na ikaka-relate ng ilan sa mga manonood lalo na sa panahon ngayon. Maganda na may representation na rin ang mga taong takot magmahal at maiwan kaya mas pinipili na lang nilang huwag makipagkilala. Bagama’t bago ang premise pagdating sa medical condition ng bida, hindi na bago ang love story ng pelikula. Malaki ang chance na malunod lang ito sa iba pang pelikula na may katulad na genre lalo na't wala itong gaanong eksenang tatatak talaga sa mga manonood.
© TBA Studios, Tuko Film Productions, Buchi Boy Entertainment, Arkeofilms
No comments:
Post a Comment