Poster courtesy of IMP Awards © IFC Midnight |
★★★★★ ☆☆☆☆☆
Starring: Garrett Clayton, Christian Slater, Keegan Allen, James Franco
Genre: Biography, Crime, Drama
Runtime: 1 hour, 31 minutes
Director: Justin Kelly
Writer: Justin Kelly, D. Madison Savage (story), Andrew Stoner (book), Peter Conway (book)
Production: Rabbit Bandini Productions, Yale Productions, SSS Entertainment, IFC Midnight
Country: USA
Halos isang dekada na rin ang lumipas nang magimbal ang buong industriya ng pornograpiya sa naganap na pagpaslang sa isang sikat na gay porn producer na si Bryan Kocis. Base sa totoong kuwento, sa nangyaring krimen na ito iikot ang istorya ng King Cobra. Isang gay porn producer si Stephen (Christian Slater) na mas nakilala ang pangalan at lumaki ang kita nang madiskubre ang baguhang aktor si Sean Lockhart na mas sumikat sa pangalang Brent Corrigan (Garrett Clayton).
Sa pag-usbong ng career ni Brent ay napansin nitong hindi sapat ang ibinabayad sa kaniya ni Stephen mula sa daang libong kinikita at ipinapasok nito sa kaniyang kumpanya. Kaya naman naisipan nitong makipagsundo para sa mas mataas na talent fee. Ngunit nang hindi makuha ang gusto ay iniwan ni Brent ang kaniyang producer at naghanap ng panibagong kumpanya na hahawak sa kaniya.
Dito niya makikilala ang magkasintahang sina Joe Kerekes (James Franco) at Harlow Cuadra (Keegan Allen) na parehong nasa porn industry at kasalukuyang may matinding pangangailangan sa pera. Naisip ng dalawa na si Brent ang sagot sa kanilang problema lalo na't ang pangalan nito ang sikat at hinahanap ngayon ng mga parokyano. Ang problema, hindi maaaring gamitin ni Brent ang kaniyang stage name dahil naka-kontrata na ito kay Stephen. Dito na gagawa ng paraan sina Harlow at Joe makuha lang ang inaasam na karangyaan.
Hindi ko alam kung bakit naisipan nilang isabuhay sa big screen ang naging kuwento ni Brent Corrigan gayong wala namang kanais-nais o kahit na anong makakapukaw ng interes sa naging istorya nito. Marahil dahil naging kontrobersyal ang murder case na ito noon na hindi naman gaanong nabigyang importansya sa palabas bagkus ay naging parte lang ito sa naging katapusan ng kuwento.
Mabuburyo ka lang sa naging takbo ng palabas at maya't-mayang gigisingin sa mga maiinit na eksena. Kahit papaano ay katanggap-tanggap naman ang naging portrayal ni Clayton sa kaniyang role. Hot, seductive at baklang-bakla. Mayroon ding kaunting antagonistic vibe sa kaniyang pag-arte na pagdududahin ka kung kakampi ka ba sa kaniyang karakter o hindi. Gayunpaman ay nilamon sila ng buo ni Franco pagdating sa aktingan. Kapag nasasama na si Franco sa mga eksena ay kitang-kita mo na kung sino ang marunong umarte sa hindi. Ganito ang nangyari kay Allen na halatang hindi makasabay sa kaniyang co-actor. Kaya naman hindi na ako nagtaka pa nang makuha nila ang hamonadong pag-arte ng mga porn actors tuwing gumagawa na sila ng eksena.
Kung hindi mo kilala o hindi ka interesado kung sino ang mga bidang karakter sa palabas, huwag ka na lang mag-aksaya pa ng oras. Kung pamilyar ka naman sa kanila at naghahanap ka ng medyo mainit-init na mga tagpo ay hindi kita pipigilan. Ngunit uunahan na kita, wala kang mapapala sa pelikulang ito kundi pawang soft-core pornography lamang.
No comments:
Post a Comment