Search a Movie

Sunday, April 21, 2019

Pet Sematary (1989)

Poster courtesy of IMP Awards
© Paramount Pictures
6 stars of 10
★★★★★★ ☆☆☆☆

Starring: Dale Midkiff, Fred Gwynne
Genre: Horror, Thriller
Runtime: 1 hour, 43 minutes

Director: Mary Lambert
Writer: Stephen King
Production: Paramount Pictures, Laurel Productions
Country: USA


"Pet Sematary" ang pangalan ng sementeryong itinayo para sa mga hayop na matatagpuan malapit sa bagong tahanan ng pamilya Creed. Matapos makakuha ng trabaho bilang duktor si Louis Creed (Dale Midkiff) sa University of Maine ay kinakailangang lumipat ng kanilang pamilya sa Ludlow, Maine. Dito nila makikilala ang kanilang kapitbahay na si Jud Crandall (Fred Gwynne) na siyang nagpakilala sa kaniya sa kuwento ng Pet Sematary.

Unang araw pa lamang sa trabaho ay sasabak agad si Louis sa matinding desisyon matapos nitong hawakan ang buhay ni Victor Pascow (Brad Greenquist), isang jogger na kritikal ngayon ang buhay matapos masagasaan ng truck. Gayunpaman ay hindi naisalba ni Louis ang buhay ng binata. Bago pumanaw ay binigyang babala ni Victor si Louis tungkol sa Pet Sematary. 

Mapag-aalaman ni Louis na ang Pet Sematary pala ay hindi lang isang simpleng libingan ng mga alagang hayop. Bagkus ay mayroon itong itinatagong sikreto, nagtataglay ito ng kakayahang maibalik ang buhay ng mga pumanaw na.

Ang Pet Sematary ay mula sa malikhaing pag-iisip ni Stephen King na kailanman ay hindi tayo binigong bigyan ng mga kuwentong tatakutin at pananabikin ka. Isa na itong Pet Sematary sa kaniyang mga obrang mayroong magandang konsepto subalit hindi naging maganda ang pagkakahalaw nito mula sa libro.

Dragging ang pelikula, sa totoo lang, at kung kailan dumating ang climax ay doon na nagtatapos ang palabas. May creepy vibe na dala ang kuwento pero ang pelikula ay wala. Mahirap magbigay ng halimbawa dahil maaaring mai-spoil ang pelikula, ganoon ka-simple ang istorya nito na puwedeng i-kuwento sa isang pangungusap lamang. Kaya siguro nahirapan silang i-stretch ito para sa isang full-length film.

Pagdating naman sa technicalities, may mga pagkakataong shaky ang camera. May ilang hinangaan ko ang make-up at hairstyling ng palabas pero pili lang. Kulang din sa acting ang bida nitong si Midkiff. Maganda ang rehistro niya sa kamera pero sa heavy drama ay hindi nito kayang ibigay ang nararapat na emosyon. Pero kahit ganoon ay hinangaan ko siya sa kaniyang mga psycho moments.

Maganda na sana ang climax nito, doon ako nakaramdam ng takot at kinabahan sa kung ano ang maaaring mangyari. Subalit sa pagtagal ng pelikula ay tila naging komedy ang labas nito. Hindi ko mawari kung papaanong ang isang may gulang na tao ay hindi kayang kalabanin ang isang paslit. May mga mangilan-ngilan ding loopholes na hindi na binigyang pansin ng mga gumawa katulad ng sunog na wala man lang nakapansin at hindi man lang binigyang linaw kung ano ang naging diwa ng multo.

Katulad ng sinabi ko, mayroon itong magandang konsepto. Hindi lang maganda ang pagkaka-handle nito. May ilang eksenang mapapasubaybay ka subalit karamihan ng pangyayari ay masyadong drag. 


No comments:

Post a Comment