Poster courtesy of IMP Awards © Marvel Studios |
8 stars of 10
★★★★★★★★ ☆☆
Starring: Robert Downey Jr., Chris Evans, Chris Hemsworth, Mark Ruffalo, Scarlett Johansson, Jeremy Renner
Genre: Action, Adventure, Fantasy, Sci-Fi
Runtime: 3 hours, 1 minute
Director: Anthony Russo, Joe Russo
Writer: Christopher Markus, Stephen McFeely, Stan Lee (comics), Jack Kirby (comics)
Production: Marvel Studios, Walt Disney Pictures
Country: USA
Kung sa tingin mo ay masyadong hyped ang Avengers: Infinity War noong 2018 ay mas hyped na hyped na naman ang kasunod nitong Avengers: Endgame. Dahil sa infamous snap ni Thanos (Josh Brolin) kung saan kalahati ng populasyon sa buong universe ay naglahong parang bula, or should I say parang alikabok, kasama ang mga minahal nating Avengers tulad nila Spider-Man, Doctor Strange at Black Panther ay marami ang nag-abang sa kasunod nito.
Itinuloy ng Avengers: Endgame ang nakakadurog-pusong cliffhanger sa huli nitong installment kung saan kahit talunan ay pilit paring nagsama-sama ang mga natitirang Avengers upang maibalik ang mundo sa dati nitong kapayapaan. Sa tulong ni Captain Marvel (Brie Larson) ay sinubukan nilang hanapin si Thanos upang bawiin ang anim na Infinity Stones subalit mabibigo sila sa kanilang misyon dahil mapapag-alaman nilang tuluyan nang sinira ni Thanos ang mga bato upang makaiwas sa temptasyon.
Limang taon ang lumipas, sa tulong ng isang pobreng daga ay makakabalik si Ant-Man (Paul Rudd) sa mundo mula sa quantum realm. Siya ang magsisilbing pag-asa ng Avengers team upang muling ituloy ang laban. Susubukan nilang gamitin ang quantum realm upang maibalik ang anim na Infinity Stones. Sa ika-apat na pagkakataon, hindi man kumpleto, ay muling magsasama-sama sina Captain America (Chris Evans), Iron Man (Robert Downey Jr.), Hulk (Mark Ruffalo), Thor (Chris Hemsworth), Black Widow (Scarlett Johansson) at Hawkeye (Jeremy Renner) kasama sina War Machine (Don Cheadle), Ant-Man, Nebula (Karen Gillan) at Rocket (Bradley Cooper) upang bawiin ang Infinity Stones, ang tanging bagay na makapagbabalik sa mga taong importante sa kanilang buhay.
Madami akong gustong sabihin at sisimulan ko ito sa una kong napansin sa simula ng pelikula, ito ay ang pagiging shaky ng camera. Hindi ko alam kung ano ang rason kung bakit may mga eksenang nagmistulang found-footage ang atake pero sa totoo lang ay nakakahilo ito. Mabuti na lang at sa first ten-minutes mo lang ito matutunghayan at hindi sa buong 3-hour movie.
Dahil nagsimula ako sa mga bagay na hindi ko nagustuhan ay itutuloy-tuloy ko na ito. Hindi rin tumalab sa aking panlasa ang ginawa nilang downgrade sa karakter ni Thor. Isa siya sa mga pinakamalakas na Avenger na muntik nang makapatay kay Thanos pero sa pelikula ay ginawa lang siyang comic relief. Parang side kick na tagapagbigay lang ng aliw at walang importansya sa palabas. Halos ganoon din ang nangyari kay Hulk na ngayon ay hindi na galit at nakakapagsalita na lang bigla ng walang eksplanasyon.
Sa totoo lang ay naging dragging ang simula ng pelikula lalo na sa parte ng pagluluksa ng mga Avengers. Alam kong gusto nilang bigyan ng maayos na screen time ang bawat isa subalit tumagal ang usad ng kuwento dahil dito. Mabuti na lang at sobrang bawing-bawi sila sa climax ng pelikula kung saan mapapa-palakpak ka talaga dahil sa excitement.
Maraming epic moments ang Avengers: Endgame, isa na dito ang muling sagupaan ng buong Avengers laban kay Thanos. Kung sa Avengers: Infinity War ay magkakahiwalay ang naging labanan, sa pagkakataong ito ay sa iisang lugar lahat sila nagtipun-tipon - sa Avengers' Compound na nagmistulang outer space nang dumating si Thanos at ang kaniyang hukbo.
Common lang ang naging fight scenes dito, sa totoo lang. Tila ba naubusan na sila ng magandang choreography para sa mga labanan dahil dito ay mangilan-ngilan na lang ang mga astig na bugbugan. Thrilling pa rin naman, intense at mapapahawak ka talaga sa iyong upuan pero kumpara sa mga nakaraang palabas ay mas maganda ang mga action sequences ng nauna.
Hindi ito ang pinakamagandang pelikula sa balat ng lupa pero pinaluha ako ng palabas na ito. Hindi ko namalayang paiyak na pala ako dahil sa galak dahil sa sobrang ganda ng napanood ko sa screen lalo na nang makita ko ang bawat karakter ng buong Marvel Cinematic Universe sa isang giyera na magkakasama. Hindi ako umiyak dahil may namatay, oo may mamamatay pero hindi ko na sasabihin kung sino dahil ayokong mang-spoil. Naiyak ako dahil sa emosyong nabuo nang matunghayan ko ang pagsasama-sama ng mga superheroes na inabangan ko sa mga nagdaang taon.
Sa tingin ko ay pumasa naman ang pelikula sa mga ekspektasyon ko. Hindi ganoon kaganda ang istorya pero sa totoo lang, sa naging takbo ng buong franchise ay mahirap na talagang gawan pa ng kuwento ang Avengers lalo na't mahirap pantayan ang mga nangyari sa nahuling palabas. Kaya naman kahit medyo pinaglaruan na ng mga writers ang screenplay ay enjoy pa rin itong panoorin.
Ang nakakatawa, gusto ko ang pelikula bilang guilty pleasure subalit hindi ako satisfied sa naging konklusyon nito. Parang makalat kahit na nagkaroon ng closure. Bittersweet, dahil alam kong sa loob-loob ko ay magbabago na ang MCU sa mga susunod na taon.
No comments:
Post a Comment