Search a Movie

Saturday, May 4, 2019

Rainbow's Sunset (2018)

Poster courtesy of IMDb
© Heaven's Best Entertainment
8 stars of 10
★★★★★★★★ ☆☆

Starring: Eddie Garcia, Gloria Romero, Tony Mabesa
Genre: Drama
Runtime: 1 hour, 50 minutes

Director: Joel Lamangan
Writer: Enrique Ramos, Joel Lamangan (story), Ferdinand Lapuz (story)
Production: Heaven's Best Entertainment
Country: Philippines


Isang retiradong senador ang 84 year old na si Ramon Estrella (Eddie Garcia) na ang tanging gusto sa kaniyang natitirang buhay ay samahan ang kaniyang minamahal, hindi ang kaniyang asawa na si Sylvia Estrella (Gloria Romero) kundi ang matalik nitong kaibigan na si Fredo Veneracion (Tony Mabesa) na may taning na ang buhay dahil sa sakit na kanser.

Upang mabantayan ng maayos ang kaibigan ay lumipat si Ramon sa tahanan ni Fredo at iniwan ang kabiyak kasama ang bunsong anak na si Marife (Sunshine Dizon). Nang malaman ng iba pang anak ni Ramon ang ginawa nito ay sinubukan nilang i-uwi ang ama upang maiwasan ang pagkasira ng pangalan ng kanilang pamilya na maaaring pagmulan ng eskandalo kapag nalaman ng mga taong bakla ang kanilang ama.

Matapang ang mga taong nasa likod ng naturang palabas na tahakin ang isang tema na bagamat hindi na bago ay medyo kontrobersyal pa rin para sa mga Pilipino. Maganda ang naging kuwento nito na tatalakay sa pag-iibigan ng dalawang lalaking may edad na. Naipakita ng pelikula ang pagkakaroon pa rin ng diskriminasyon sa mga LGBTQ, na tanggap naman 'di umano ng mga tao pero may masamang tinapay pa rin kapag nakakita ng magkaparehong kasarian na nagmamahalan.

Ang nagustuhan ko sa kuwento ng Rainbow's Sunset ay hindi lang ito simpleng love story sa pagitan ng dalawang lalaki, mayroon itong iba't-ibang dimensyon na siyang bubuo sa isang magandang istorya. Tulad ng pagmamahalang hindi man natuloy ay nagkaroon pa rin ng pangmatagalang koneksyon. Ang ikinaganda nito ay kasama sa koneksyon na ito si Sylvia, ang agrabyado sa kuwento. Walang matinding kontrabida sa palabas bagkus ay ang panghuhusga at pagtanggi sa isang pag-ibig ang naging conflict nito.

Pagdating sa cinematography, hindi ko masyadong nagustuhan ang parang filtered na kinalabasan ng palabas. Para bang nagliliwanag ang mga karakter katulad ng mga eksena na ginagawa kapag ang setting ay sa langit. Sa kabilang banda ay nagustuhan ko ang ginawa nilang contrast sa black and white na flashback scenes kung saan may isang kulay na namumukod-tangi, ang berde at pula.

Taliwas sa mga sinasabi ng ibang kritiko, hindi na kasing-ganda ng kanilang kabataan ang pag-arte ng mga beterano sa palabas. Maayos pa rin namang naihatid nila Garcia, Romero at Mabesa ang kanilang mga karakter ngunit makikita mo sa kanila na medyo kinakalawang na ang kanilang dating galing. Maayos at magaling din ang mga supporting cast ng Rainbow's Sunset lalo na kina Dizon at Tirso Cruz III ngunit katulad ng karakter ni Aiko Melendez ay half-baked lang ang kani-kanilang sariling kuwento.

Overall ay maganda naman at kakaiba ang kuwento ng Rainbow's Sunset at tunay na karapat-dapat ang mga parangal na natanggap nito. Kinulang nga lang sa character development pero maganda pa rin ang kinalabasan nito sa pangkalahatan. Maayos pero naulangan ako sa execution.


No comments:

Post a Comment