Search a Movie

Wednesday, May 15, 2019

Happy Death Day 2U (2019)

Poster courtesy of IMP Awards
© Blumhouse Productions
6 stars of 10
★★★★★★ ☆☆☆☆

Starring: Jessica Rothe, Israel Broussard
Genre: Comedy, Mystery, Thriller, Sci-Fi
Runtime: 1 hour, 40 minutes

Director: Christopher Landon
Writer: Christopher Landon, Scott Lobdell (characters)
Production: Blumhouse Productions, Dentsu, Digital Riot Media
Country: USA


Matapos malampasan ang mala-bangungot niyang kaarawan sa unang pelikula ay sa wakas nasilayan na rin ni Tree Gelbman (Jessica Rothe) ang bagong umaga. Ngunit hindi pa dito nagtatapos ang kaniyang kalbaryo dahil dito sa sequel ay ang roommate ni Carter Davis (Israel Broussard) na si Ryan Phan (Phi Vu) naman ang makakaranas ng time loop katulad ng nangyari sa kaniya kung saan kamatayan din ang hahabol dito.

Sa pagsisikap na matulungan si Ryan ay aksidenteng babalik si Tree sa kahapon, sa mismong araw ng kaniyang kaarawan at sa hindi mabilang na pagkakataon ay muli niyang sasariwain ang mga pangyayari sa nagdaang pelikula. Subalit sa pagkakataong ito hindi na lang buhay niya ang kaniyang ililigtas kung hindi maging buhay ng kaniyang mga kaibigan.

Kung sa naunang pelikula ay simple lang ang naging storyline nito at may iisang goal lang ang bida, dito naman sa ikalawang installment ay mas naging complex na ang naging kuwento nito. Dumagdag ang science fiction sa genre ng palabas kung saan binigyan na ng eksplinasyon ang time loop na naranasan ni Tree. Mas lumawak ang istorya ng time travel dahilan upang magkaroon na rin ng mas malawak na screen time at sariling kuwento ang mga supporting characters.

Si Rothe pa rin ang nagdala ng pelikula na sumabay sa humor ng kuwento. Ito ang tandem na nagustuhan ko sa unang pelikula na nadala nila dito sa sequel. Maganda ang naging attention to detail ng pelikula mula sa mga pananamit at bawat eksena kaya naman tila nanumbalik ang mga alaala sa unang kuwento.

Maganda naman ang kuwento, madrama at nakakagulat ang mga twist. Malikhain ang pag-iisip ng mga nasa likod ng pelikula upang palawakin ang istorya ng part 1. Ngunit dahil sa pagkakaroon ng iba't-ibang pasikut-sikot ang istorya at sa mismong konsepto nitong time travel ay madali lang makalimutan ang mga nangyari dito.

Magugustuhan mo ang pelikula dahil sa mga karakter nito na kakahumalingan mo na sa unang pelikula pa lamang. Disente rin ang kuwento na mayroong touch of drama dahil sa twist nito. Overall ay nakaka-enjoy pa ring panoorin ang Happy Death Day 2U, ito ang klase ng pelikula na masarap ulit-ulitin.


No comments:

Post a Comment