Search a Movie

Sunday, May 5, 2019

Goosebumps 2: Haunted Halloween (2018)

Poster courtesy of IMP Awards
© Columbia Pictures
5 stars of 10
★★★★★ ☆☆☆☆☆

Starring: Jeremy Ray Taylor, Madison Iseman, Caleel Harris
Genre: Adventure, Comedy, Family, Fantasy
Runtime: 1 hour, 30 minutes

Director: Ari Sandel
Writer: Rob Lieber, Darren Lemke (story), R.L. Stine (book)
Production: Columbia Pictures, Original Film, Scholastic Entertainment
Country: USA


Sisimulan ko ang review sa paglalahad ng dismayang naramdaman ko nang makita kong bago ang cast ng ikalawang Goosebumps movie. Lahat ay bago, maliban sa kuwento. Iikot ang pelikula sa magkaibigang Sonny Quinn (Jeremy Ray Taylor) at Sam Carter (Caleel Harris) na susubok magpatayo ng sariling garbage clean-up business. Sa kanilang unang trabaho ay isang abandonadong bahay ang kanilang lilinisin, sa naturang bahay na ito sila makakakita ng isang manuscript na siyang magbabalik sa kontrabida ng pelikula, ang puppet na si Slappy (Mick Wingert).

Sa pagbabalik ni Slappy ay muling mauulit ang nangyari sa unang pelikula, sa mismong araw ng Halloween. Sa tulong ng nakatatandang kapatid ni Sonny na si Sarah Quinn (Madison Iseman) ay susubukan nilang ibalik si Slappy sa dati nitong kinalalagyan, na ang tanging hangad lang naman ay masubukan kung papaano ang magkaroon ng isang ina.

Punong-puno ng horror cliche ang naturang pelikula: nakakatakot na bahay, tipikal na mga talunang bida na paboritong paglaruan ng mga bullies, mga nakatatanda na hindi naniniwala sa sinasabi ng mga bata. Dito pa lamang ay malalaman mo na kung papaano matatapos ang pelikula.

Ang isang positibong komento na masasabi ko lang siguro sa pelikula ay ang pagiging creepy ng main villain ng kuwento na si Slappy. Siya ang nakapagbigay ng 'horror' sa palabas na siyang genre ng Goosebumps 2: Haunted Halloween. Hitsura pa lang at sa kung ano ang maaari niyang gawin, makakaramdam ka ng anxiety sa kaniya.

Pero bagsak pa rin para sa aking ang palabas. Wala dito ang cast na minahal mo sa naunang pelikula. Boring at recycled na ang kuwento. Hindi rin maganda ang mga karakter nito na hindi marunong gumamit ng utak. Iyong tipo na hawak na ng bida ang bagay na makakatapos sa kanilang problema pero hindi pa nila ito ginamit upang talunin ang kalaban. Hindi rin maganda ang dialogue at walang chemistry ang mga bida kahit na may Stranger Things vibe kang makukuha sa kanila (ang characters, hindi ang kuwento).


No comments:

Post a Comment