Search a Movie

Sunday, May 12, 2019

Happy Death Day (2017)

Poster courtesy of IMP Awards
© Blumhouse Productions
7 stars of 10
★★★★★★★ ☆☆☆

Starring: Jessica Rothe, Israel Broussard
Genre: Comedy, Mystery, Thriller
Runtime: 1 hour, 36 minutes

Director: Christopher Landon
Writer: Scott Lobdell
Production: Universal Pictures, Blumhouse Productions, Digital Riot Media
Country: USA


Matapos malasing sa isang party nang nagdaang gabi ay magigising si Tree Gelbman (Jessica Rothe) sa dorm room ng kapwa nito estudyante na si Carter Davis (Israel Broussard). Hindi lang ito isang normal na araw para kay Tree dahil ngayon ang kaniyang kaarawan, subalit hindi ito ang dahilan kung bakit kakaiba ang araw na ito dahil lingid sa kaalaman ni Tree, ito na pala ang kaniyang huling araw.

Isang killer na may suot na maskara ang wawakas sa buhay ni Tree, ngunit dito pa lamang magsisimula ang kuwento. Sa kaniyang pagkamatay ay babalik muli si Tree sa araw ng kaniyang kaarawan. Babalik-balikan niya ito hanggang sa malaman niya kung sino ang taong nasa likod ng planong pagpatay sa kaniya.

Groundhog Day (1993), Edge of Tomorrow (2014) at Before I Fall (2017), marami nang mga pelikula sa nagdaang taon ang gumawa ng konsepto ng time loop. Pero ang ipinagkaiba ng Happy Death Day sa mga nabanggit ay ang pagiging dark at comedic nito.

Si Rothe ang nagdala ng pelikula hindi dahil sa kaniya nakatutok ang buong screen time ng pelikula kundi siya ang nagbigay ng kulay at humor sa seryosong kuwento ng Happy Death Day. Magaling din kasi ang ipinakitang pag-arte ni Rothe, maganda rin ang comedic timing nito kaya madali lang siyang magustuhan ng mga manonood. Bagay din sila ng kaniyang kaparehang si Broussard, may chemistry at may dating ang contrast sa ugali ng kanilang mga karakter.

Nag-complement sa isa't-isa ang humor ng pelikula at ang thrill at mystery ng kuwento kaya naman maayos at maganda ang kinalabasan nito. Ang naging problema lang, dahil mas nag-focus sila sa kanilang bida ay napag-iwanan ang mga supporting characters. Wala masyadong development upang magkaroon ng kaalaman ang mga manonood sa kung sino ang maaaring maging killer sa mga kanila.

Gayunpaman, ang mga nakatutuwang eksena dito ang tunay na bumida dahil kung tutuusin ay boring na ang kuwento ng time loop. Maganda ang twist, hindi inaasahan pero dahil nga kulang ng kuwento ang ibang karakter ay medyo hindi na ito nakakagulat. At isa pa, napakababaw ng naging rason nito upang kumitil ng buhay ng isang tao.

Hindi man bago ang kuwento ay mayroon pa rin naman itong maayos at nakaka-hook na kuwento. Lovable ang mga karakter at walang boring moments. Hindi pang-Oscar pero pasado bilang isang guilty pleasure. Higit sa lahat, iiwan ka nito dala ang inspirasyon to live life to the fullest at magkaroon ng maayos na pakikitungo sa kapwa.


No comments:

Post a Comment