Search a Movie

Tuesday, December 10, 2019

Once Upon a Time... in Hollywood (2019)

Poster courtesy of IMP Awards
© Columbia Pictures
7 stars of 10
★★★★★★★ ☆☆☆

Starring: Leonardo DiCaprio, Brad Pitt, Margot Robbie
Genre: Comedy, Drama
Runtime: 2 hours, 41 minutes

Director: Quentin Tarantino
Writer: Quentin Tarantino
Production: Columbia Pictures, Bona Film Group, Heyday Films, Visiona Romantica
Country: USA, United Kingdom


Dating sikat na 50's actor si Rick Dalton (Leonardo DiCaprio) na unti-unti nang nararamdaman ang kaniyang pinakatatakutan - ang maging laos. Kasama niya sa buhay ang stunt double nitong si Cliff Booth (Brad Pitt) na itinuring na niyang matalik na kaibigan. Isang war veteran si Cliff na hirap makahanap ng trabaho dahil sa chismis na di umano'y pagpaslang nito sa kaniyang asawa.

Sa kabilang banda, bagong-lipat naman ang kapit-bahay ni Rick na sina Sharon Tate (Margot Robbie), isang aktres, at ang asawa nitong direktor na si Roman Polanski (Rafał Zawierucha). Sila ang nais kaibiganin ni Rick sa pagbabakasakaling sila ang makapagbabalik ng kaniyang career.

Mamumuhay ang tatlong bida sa kanilang normal na araw-araw sa Hollywood hanggang sa dumating sa kanilang buhay ang The Manson Family na gagawa ng isang hindi malilimutang ingay sa mundo ng Hollywood.

Medyo nahirapan akong gawan ng buod ang pelikula dahil sa totoo lang ay wala naman talaga itong kuwento na maaaring sundan ng mga manonood. Ipapakita lang ng pelikula kung paano ang buhay sa Hollywood noong late 60's. Ang daming eksena na wala namang kinalaman sa istorya pero inilagay para magkaroon ka ng emotional investment sa mga bida. 

Para sa akin, okay lang sana ang ganoong istilo pero kung aabutin ka ng dalawang oras sa pagpapakilala ng iyong karakter para lang maging invested sa kanila ang iyong viewers at ni katiting na usad ng kuwento ay walang nangyari ay talagang mabuburyo ka. Ganoon ang naramdaman ko sa puntong inabot pa ako ng dalawang araw para lang matapos ang pelikula ng critically-acclaimed na si Quentin Tarantino.

Subalit nagbago ang tingin ko sa pelikula nang magsimula na ang last 40 minutes nito. Dito na sabay-sabay na nagsidatingan ang mga hinahanap kong pakiramdam, ang curiosity, thrill at tuwa sa halu-halong aksyon at kaganapan na tila mga sardinas na kumawala sa lata sa huling apatnapung minuto ng palabas.

Magaling si DiCaprio at talagang given na 'yun. Kaya niyang umiyak, magalit at magpatawa. Pero hindi tumagos sa akin ang ipinamalas niyang drama ng buhay ng kaniyang karakter dahil na siguro sa comedic tone ng pelikula. Nagmukhang supporting cast si Pitt pero nabigyan din naman siya ng maayos na screen time upang magshine. Siya ang bumida sa tinutukoy kong last 40 minutes ng pelikula at sa katunayan ay mas nagustuhan ko ang naging istorya niya kaysa kay DiCaprio.

Hindi ko naman mawari kung ano ang ginagawa ng karakter ni Robbie sa pelikula na kung hindi nabigyan ng sariling screen time ay aakalain kong ekstra lang. Walang naitulong ang karakter nito sa buong palabas, literal na wala. Kung hindi kayo pamilyar sa The Mason Family na tulad ko ay ganito rin ang magiging tanong niyo. Saka ko lang naintindihan ang role niya nang mabasa ko na ang tunay na kuwento kung saan inspired ang Once Upon a Time ... in Hollywood. Gayun pa man ay hindi pa rin magbabago ang opinyon ko na walang naitulong ang karakter niya sa pelikula.

Nagustuhan ko ang pagkuha nila ng istorya sa totoong kaganapan at kung papaano nila ito binago upang maging fiction at gawan ng happy ending. Para bang gumawa si Tarantino ng alternate universe para dito.

Mas mataas pa sana ang ibibigay kong rating dito kung hindi lang pinahaba ni Tarantino ang characterization. Okay na siguro ang 30 minutes na pagpapakilala sa mga bida at ang 40 minutes na shining moment ng pelikula. Kaso ginawa pang halos tatlong oras ang haba kaya aaminin kong maraming boring moments lalo na't hindi naman ganoon ka-interesting ang ibang scenes. Mabuti na lang at sobrang bawi sila sa dulo. Gusto ko rin silang bigyan credits dahil sa magandang production design na tunay na nakapagbigay ng 60's feels.


No comments:

Post a Comment