Poster courtesy of IMP Awards © Nickelodeon |
★★★★★★ ☆☆☆☆
Starring: Isabela Moner, Jeff Wahlberg, Nicholas Coombe, Madeleine Madden
Genre: Adventure, Comedy, Family, Sci-Fi
Runtime: 1 hour, 42 minutes
Director: James Bobin
Writer: Nicholas Stoller, Matthew Robinson, Tom Wheeler (story), Chris Gifford (series), Valerie Walsh (series), Valdes Eric Weiner (series)
Production: Paramount Players, Walden Media, Screen Queensland, Nickelodeon Movies, Burr! Productions
Country: USA
Pamilyar na sa atin si Dora bilang ang batang explorer sa animated series ng Nickelodeon kaya naman nang gawan nila ito ng live action film ay magkahalong galak at duda ang naramdaman ko. Galak dahil mabibigyan ng bagong mukha ang karakter na kinagiliwan ko noong bata ako at duda na maaaring sirain ng pelikula ang magagandang alaala na naibigay nito.
Parehong explorers ang mga magulang ni Dora (Isabela Moner) na matagal nang hinahanap ang nakatagong bayan ng Parapata. Sa kaniyang pagtanda ay ito na rin ang naging layunin ni Dora, ang maging explorer katulad ng kaniyang mga magulang at hanapin ang Parapata. Subalit para sa mga mata ng kaniyang ama't ina ay hindi pa sapat ang kakayahan ni Dora upang maging parte ng ekspedisyon nila sa paghahanap ng Parapata lalo na ngayon at mayroon na silang ideya kung saan ito matatagpuan.
Kaya naman sa halip na isama sa kanilang paglalakbay ay napag-isipan ng mga magulang ni Dora na ipadala muna ang kanilang dalaga sa lungsod upang maranasan nito ang buhay ng isang normal na teenager. Pansamantalang titira si Dora sa tahanan ng kaniyang pinsang si Diego (Jeff Wahlberg) upang mag-aral kung saan mapagtatanto ng dalaga na ang buhay sa gubat ay ibang-iba sa buhay sa lungsod.
Upang gawing malapit sa realidad ang kuwento ni Dora ay kinakailangan nilang tanggalin ang ilang major characters na nakilala sa animated version tulad ng nagsasalitang mapa, backpack at maging si Boots na medyo nakakapanghinayang dahil sa dulo ng pelikula ay ganap nang naging fantasy ang kuwento nito.
Gayunpaman ay nais ko lang sabihin na tumaas ang respeto ko sa pelikula dahil sa kabila ng pag-alis nila sa ilang parte ng animated series ay nakaisip pa rin ang mga writers ng paraan upang hindi sila tuluyang maalis sa buhay ni Dora. Nagawa nilang bigyan ng cameo appearance sa live version ang mga bagay na tatak Dora the Explorer para na rin sa mga fans nito.
Mapunta tayo sa mga bagay na hindi ko nagustuhan sa pelikula. Ang pangit ng script. Cringe-worthy. Sa kagustuhan nilang gawin relatable teens ang mga karakter ay pinuno nila ito ng mga cliche lines at stereotypical personalities. Yung tipong bawat dialogue ng mga bida ay narinig mo na sa ibang pelikula, ang mga comedy antics, conflicts at goals ng istorya ay hindi na original.
Naguguluhan din ako sa kung ano ang gusto nilang gawin sa mundo ni Dora. Inalis nila ang human personality ni Boots at nauwi na lang siya bilang alagang hayop para mas maging makatotohanan na okay lang naman sa akin. Ang hindi okay ay kung bakit biglang may Swiper na katulad sa animated series at isa pa sa mga ginawang kontrabida ng kuwento?
Ang nakakamangha sa pelikula, sa kabila ng pagkadisgusto ko dito ay na-enjoy ko pa rin itong panoorin hanggang sa dulo. Kahit na mapapangiwi ka na lang sa pagiging corny nito ay wala ka nang ibang maaaring gawin dito kung hindi ang tanggapin kung ano ang nakahain hanggang sa makasanayan mo na at unti-unting magustuhan.
At iyon ang nangyari sa akin. Hindi nga maganda ang script, ang storyline, maging ang akting (maliban kay Moner na maayos na nabigyang kulay ang pagiging inosente ni Dora), pati na rin ang set na halatang nasa loob lang ng studio at maging low-budgeted na special effects, pero weirdly ay nagustuhan ko ang pelikula. Hindi ko alam kung papaano ito nangyari pero nagkaroon ako ng emotional investment sa mga karakter na kahit gumawa pa sila ng panibagong installment ay muli ko silang papanoorin.
No comments:
Post a Comment