Search a Movie

Tuesday, January 7, 2020

Maynila: Sa Mga Kuko ng Liwanag (1975)

Poster courtesy of IMDb
© Cinema Artists
8 stars of 10
★★★★★★★★ ☆☆

Starring: Bembol Roco, Hilda Koronel
Genre: Drama
Runtime: 2 hours, 3 minutes

Director: Lino Brocka
Writer: Clodualdo del Mundo, Jr., Edgardo M. Reyes (novel)
Production: Cinema Artists
Country: Philippines


Isang probinsyano si Julio Madiaga (Bembol Roco) na sinubok makipagsapalaran sa Maynila para sa isang rason - ito ay upang hanapin ang kaniyang nobyang si Ligaya (Hilda Koronel). Para mabuhay ang sarili sa magulong mundo ng Maynila ay papasukin ni Julio ang iba't-ibang klase ng trabaho. Dito siya makikilala ang ilang tapat na kaibigan at makakaranas ng mga bagay na malayung-malayo sa kaniyang nakasanayan sa tahimik na buhay ng probinsya.

Kaabang-abang ang ginawang pagbabahagi ni Lino Brocka sa naging kuwento ni Julio. Hindi ko pa man sapat na kilala ang bida ay nakuha agad nito ang simpatya ko bilang manonood at inabangan ang pakikipagsapalaran nito sa Kamaynilaan. Nakakamanghang panoorin ang unti-unting pagbabago at paglaki ng karakter ni Julio habang hinahanap ang kaniyang sinisinta. Walang kontrabida na nagpapahirap sa bida ngunit damang-dama mo ang dinaranas na hirap nito habang nilalasap ang madilim na buhay sa Maynila.

Nagustuhan ko ang ginawang build-up kay Ligaya subalit laking dismaya ko nang pumasok na ang karakter nito. Parang napaka-anticlimactic ng pagpasok niya na matapos ang ilang oras na misteryong ipinataw sa estado ni Ligaya ay bigla na lang siyang nandiyan sa tabi ni Julio. Bigla na lang bumulusok pababa ang galak na nararamdaman ko habang nanonood. Bumilis ang mga pangyayari na para bang kailangan nang tapusin agad ang kuwento dahil masyado nang mahaba, na para sa akin ay hindi naman problema.

Pagdating sa pag-arte ng mga bida, maayos namang nagampanan ni Roco ang pagiging inosente ni Julio na  natutong lumaban matapos masanay sa buhay kasama ang mga leon at tigre. Ang mga emosyong ipinakita nito sa last shot ng pelikula ang siya tatatak sa iyo dahil madarama mo mula sa screen ang sakit, lungkot at takot sa kaniyang mga mata. Makikita mo mula rito ang isang buhay na nasayang dahil sa kasakiman ng mundo. 

Isang napakagandang obra maestra ang Maynila: Sa Mga Kuko ng Liwanag. Naipakita nito ang masalimuot na mukha ng Maynila. Kung papaano baguhin ng kahirapan ang isang maamong tupa. Iba't-ibang hitsura ng kasakiman na ang tanging tumatamasa ay ang mga taong napagkaitan ng yaman.


No comments:

Post a Comment